May pang-world class at environment friendly na sapatos na ginagawa ngayon sa Marikina na tinawag na "lalapatos." Ang materyales nito, mga reject na foil o packaging ng mga factory para sa chichirya.
Sa ulat ni Dano Tingcungo sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho," sinabing ang kahulugan ng salitang "lala" sa lalapatos ay paghahabi.
Ang lalapatos ay ginagawa sa Zapateria na nagsimulang gumawa ng mga sapin sa paa noon pang 1880s.
Ang mga foil, ginugupit at saka maingat na hinahabi at saka ilalapat sa moldeng hugis paa.
Ayon kay Maco Custudio na designer sa likod ng lalapatos, ang tanging hangarin lang niya ay makalikha ng sapatos na kumportable sa paa at magagamit sa araw-araw.
Hindi na rin daw bago sa kaniya ang paggamit ng mga recycled materials para sa kaniyang mga nililikhang produkto.
Pero bukod sa nakakatulong sa kalikasan ang kaniyang lalapatos, kumikita pa ang ilang komunidad sa paggawa nito.
Bago maging produkto sa Marikina, ang mga babae sa Baseco, Maynila ang nagtutupi ng foil.
Dinadala naman ito sa mga tagahabi sa Rizal, na nagsisilbi ring tahanan ng mga artist ang sapaterya.
Umaasa ang ilang sapatero sa Marikina na ang paggamit ng recycled materials ang magsisilbing hakbang para magkaroon ng ibayong sigla ang kanilang industriya.-- FRJ, GMA News