Nangamba ang Philippine National Police na posibleng bumalik ang jueteng kung tuluyang ipasara ang small town lottery (STL). Ayon naman kay Senador Panfilo Lacson, hindi naman talaga nawala ang jueteng kundi nagtago lang ito sa likod ng STL.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, makikita ang pagdakip sa limang kubrador umano ng jueteng nang salakayin sila ng Sta. Rosa City Police, Laguna.
Ang mga nahuli ay gumagamit ng gambling paraphernalia na may tatak ng STL.
"Napag-alaman namin na merong tumataya. 'Pag may tumataya, merong numerong lumalabas," sabi ni Police Lt. Colonel Eugene Junsay Orate, hepe ng Sta. Rosa Police.
Hindi nagbigay ng pahayag ang mga nadakip.
Na-monitor ng Sta. Rosa Police ang muling pag-ikot ng mga kubrador ng jueteng mula nang ipatigil ang STL at iba pang gaming operations ng PCSO.
Anila, mala-guerilla ang pagkilos ng mga kubrador o paiba-iba sila ng lugar kung saan nagsasagawa ng bola.
Hindi lang sa Laguna natukoy ang illegal numbers game.
"May mga natanggap na tayong mga initial na ulat na may posibilidad na ito'y bumalik sa bahagi ng Central Luzon.
Sa ngayon patuloy pa nating bina-validate ang information na ito,” pahayag ni PNP chief General Oscar Albayalde.
Inilahad ni Senador Ping Lacson, dating PNP chief, na hindi nawala ang jueteng base sa mga nakuha niyang impormasyon kundi mas napadali pa ang buhay ng mga kubrador at hindi sila nahuhuli dahil mga nakasuot ng ID na pang-ahente ng STL.
Dagdag pa ni Lacson, jueteng lords talaga ang nasa likod ng STL.
"Pagka STL, jueteng, ang lawak nu'ng gray area, hindi mo maintindihan kung legal, o kung ilegal. At least kung wala nang STL, the moment makakita 'yung pulis ng kubrador, pwede hulihin dahil illegal per se. Wala na 'yung nagma-masquerade as a legal operation ng STL," sabi ni Lacson.
Taliwas ito sa iginiit ng PNP na nawala ang jueteng nang magkaroon ng STL.
"When they verified the allegations of existence of, of course, hindi na STL 'yon, na jueteng na per se 'yon, and dahil na-close nga 'yung STL, nag-negative naman,” sabi ni Albayalde.
Ngunit ayon kay Lacson, ang problema ay maaaring hindi nabibisto ang pa-jueteng na nagpapanggap ng STL.
Marami umanong retiradong pulis at militar ang nagka-STL franchise nang maging PCSO General Manager si retired Marine General Alexander Balutan.
"Mga retired police and military officers ang nakakuha ng franchise. Nakapangalan lang sa dummies pero sila 'yung behind," sabi ni Lacson.
Itinanggi ni Balutan ang paratang ni Lacson, at sinabing dapat pangalanan ng senador ang mga sinasabi nitong heneral.
Kinuwestiyon din ni Balutan kung bakit ang mga heneral ang sini-single out ni Lacson gayong may mga STL operator na abogado, engineer at contractor.
Umaasa naman ang pamunuan ng PCSO na tulad ng lotto, babawiin na rin ng pangulo ang suspension sa STL operations.
"Nandiyan na siya ever since. Siguro tama din 'yung sinabi ni Presidente na ayusin 'yung implementation ng palarong STL para mas transparent at hindi pagdudahan," sabi ni Royina Garma, General Manager ng PCSO. —Jamil Santos/LBG, GMA News