Umabot sa 67 katao ang naaresto sa isinagawang mga operasyon kontra-krimen ng Pasay City Police. Kabilang sa inaresto ang isang 60-anyos na lalaki na lumabas sa pampublikong palikuran na may kasamang bata.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes,  kinilala ang inarestong lalaki na si Eduardo Pusong, na hinihinalang may ginawang kahalayan sa isang bata.

"Yung five years old na bata kasi nagsumbong sa magulang niya na itong 60-years-old na suspek ay pumasok sa common CR at sabay na ring lumabas yung matanda at bata,” sabi ng hepe ng Pasay City Police na si Colonel Bernard Yang.

Paliwanag ng suspek hindi niya alam ang kaniyang ginawa at pinagsisihan na raw niya ito.

Nahuli rin sa naturang operasyon si Rodrigo Dela Cruz, na may warrant of arrest sa mga kasong frustrated murder, grave threat at illegal possession of firearms in relation to Omnibus Election Code.

Umabot naman sa 41 katao ang nahuli dahil sa paglabag sa mga ordinansa ng lungsod katulad ng pagbabawal na uminom ng alak sa pampublikong lugar, hindi pagsuot ng damit pang-itaas, at pag-ihi sa maling lugar. Hinuli rin ang mga illegal barker at scalper.

Dahil naman sa pagkakasangkot sa iligal na droga kaya inaresto ang 15 na iba, kung saan 36 na sachet ng pinaghihinalaang shabu at drug paraphernalia ang nakumpiska.

"Resulta din ng buy-bust operation yung iba. Nakita natin na talagang on the act nagbebenta ng iligal na droga,” sabi ni Yang. -- Joviland Rita/FRJ, GMA News