Batikos ang tinanggap ng Philippine National Police (PNP) matapos magpalipad ng mga lobong hindi eco-friendly sa iba't ibang parte ng Pilipinas bilang simbolo ng isang malinis at mapayapang eleksyon sa Mayo.
Malinis na halalan man daw ang simbolo nito, dumi naman sa kapaligiran ang dulot ng mga lobo, ayon sa grupong Ecowaste Coalition.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita ang video ng pagpapalipad ng puting lobo ng mga pulis sa Lingayen, Pangasinan na pinangunahan ng PNP Regional Office 1.
Kasama sa aktibidad ang unity walk, interfaith rally, at paglagda sa isang peace covenant.
Ginawa din ang parehong aktibidad sa Laoag City, Ilocos Norte; Calaca, Batangas; M'lang, Cotabato; at iba pang lugar.
Ngunit ayon sa Ecowaste Coalition, puputok din ang mga pinalipad na lobo at hindi kontrolado kung saan ito babagsak.
Sinasabing dalawa ang karaniwang uri ng lobo -- ang latex balloon na biodegradable o nabubulok, at ang mylar o foil balloon na hindi nabubulok.
Anim na buwan hanggang apat na taon ang inaabot ng sinasabing biodegradable na latex balloon para mabulok.
Ang mylar o foil balloon naman ay hindi nabubulok.
"Ilan sa mga balloons na lumilipad ay may mga content na plastic at problema dito nagiging micro plastic o naghihiwa hiwalay siya into smaller pieces na siyang nakakain ng mga isda na ating hinuhuli at kinakain," sabi ni Daniel Alejandre, Zero Waste campaigner, Ecowaste Coalition.
Sinabing disgrasya ang dulot sa mga hayop at isda ng mga lobong lumipad sa langit at 'di na nakita, biodegradable man o hindi.
Maaaring patuloy na lumutang ang mga lobo pataas hanggang sa pumutok pero kung hindi, sila ay nade-deflate o umimpis at unti-unting bumaba.
Maaari silang mapagkamalang pagkain ng mga hayop o isda kung sasayad ang mga pira-piraso nito sa lupa o tubig.
Ikamamatay ito ng mga hayop dahil hindi matutunaw ang lobo at magbabara sa kanilang tiyan.
Maaari namang sumabit sa mga sanga ng puno at pumulupot sa hayop ang mga tali ng lobo, samantalang maaaring magdulot ng power outage o maging mitsa ng sunog kung sumabit sa kable ng kuryente.
Matatandaang noong nakaraang Disyembre, ilang balloon drop events ang kinansela Nang makatanggap ng mga puna online at sitahin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Kabilang dito ang world record attempt na balloon drop ng Cove Manila.
"Marami pong paraan para iparating ang ating mensahe sa nais nating gawing proyekto wag naman po yung magpalipad ng lobo dahil it will end up as garbage at solid waste na naman po yan," sabi ni Environment Undersecretary Benny Antiporda.
Umamin naman ang PNP na hindi agad napagtanto ng ilang regional commanders ang epekto sa kapaligiran ng pagpapalipad ng mga lobo.
"This kind of event should be avoided. It was based on good intentions but meron nga 'yung downsides like 'yung negative impact to environment," sabi ni Chief Superintendent Benigno Durana, PNP spokesman. —Jamil Santos/ LDF, GMA News