Isang bangkay ng lalaki ang natagpuang naaagnas na sa isang bangin sa Cagayan de Oro.
Ayon sa ulat ng "Balita Pilipinas Ngayon," nahirapan ang mga otoridad sa pagkuha ng bangkay ng biktima na si Alex Jorza dahil bukod sa mabato at matataas ang damo sa lugar, ang lalim ng bangin ay umabot ng 100 metro.
Inabot ng anim na oras ang pagkuha sa bangkay.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng mga pulis, aksidente ang pagkakahulog ni Jorza sa bangin.
Miyerkules ng hapon noong isang linggo nang huling makita ng kanyang mga kamag-anak ang biktima at nagpaalam pa raw ang biktima na titingnan lamang niya ang ginawa niyang patibong sa hayop.
Sa kasamaang palad, hindi na nakabalik ang biktima.
Tiniyak naman ng mga pulis na hindi pa nila isasarado ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Jorza dahil may mga nakitang pasa at sugat sa katawan ng biktima.
Gayunpaman, kumbinsido ang pamilya ng biktima na aksidente ang nangyari at ayaw na rin nilang ipasailalim sa autopsy ang bangkay ng kaanak. —Llanesca Panti/ LDF, GMA News