Bugbog sarado ang isang lalaki matapos mahuling nagnanakaw ng isang cellphone sa computer shop sa Sta. Rosa, Laguna.
Sa kuha ng CCTV na ipinalabas sa ulat ni Bernadette Reyes nitong Huwebes, makikitang busy sa pagko-computer ang mga customer.
Ilang sandali pa, ibinaba ng isang lalaki ang suot na headset, sabay ready, set, go sa pagsibat tangay ang cellphone ng katapat niyang customer.
Napansin ng biktima ang pagnanakaw ng suspek, kaya agad siyang tumayo at hinabol ang papatakas na suspek.
Nakihabol din ang iba pang nasa computer shop. Hindi na nahagip ng CCTV, pero naabutan nila ang suspek na kinilalang si Rudy Clemente.
Binugbog siya ng mga tumugis sa kaniyang concerned citizen. Pati ang ilang dumaraan sa lugar, nakibugbog na rin.
Naibalik ang cellphone ng biktima na nagkakahalaga ng labintatlong libong piso.
Hawak na ng pulisya ang duguang si Clemente.
Hindi naman siya nagbigay ng pahayag. —JST, GMA News