Matapos ang mahigit apat na taong pagkakakulong sa kaso ng pagdadala ng illegal na droga mula sa Maynila patungong Saudi Arabia, posibleng makakalaya na si Junivie San Juan.
Sa pangayam ng GMA News sa ina at ama ni Junivie, nagpahayag nag mag-asawa ng labis na pagkatuwa dahil napagsilbihan ng kanilang anak ang kanyang sentensya, at tanging ang penalty na 100,000 SARs (P1.3M) na lamang ang kailangan mabayaran upang tuluyan nang makauwi ng Pilipinas si Junivie.
Kasalukuyang nasa Jeddah ang mga magulang ni Junivie na sina Elvira at Jun, upang dalawin sa kulungan ang kanilang anak, sa tulong ng Department of Foreign Affairs, Department of Labor and Employment, at ng Overseas Workers Welfare Administration.
Sinabi ni Jun na magkahalong lungkot at saya ang kanyang naramdaman sa muli nilang pagkikita ng kanyang anak matapos ang mahigit apat na taon.
Pahayag ni Jun, nagyakapan daw silang mag-ama ng mahigpit habang umiiyak na tila raw isang sanggol si Junivie, at ipinadama umano niya ang kanyang pagmamahal sa anak.
“Natutuwa dahil nakita ko sya, nalulungkot dahil sa sinapit nitong pagkakakulong ganon pa man tinitibayan ko ang aking loob at hindi ko ipinakita sa anak ko na ako ay nanghihina Kailangan ipakita ko sa kanya na matibay pa rin kami positibo na ipagpatuloy ang buhay para naman hindi siya maging malungkot,” pahayag ni Jun
Si Junivie, isang first-time OFW, ay nahatulan sa Saudi ng tatlong taon at anim na buwang pagkakabilanggo.
Naaresto ang dalaga na isang Bicolana noong October 9, 2013, ilang araw pagdating niya galing Pilipinas para magtrabaho bilang dental assistant.
Nauna nang itinanggi ni Junivie ang akusasyon sa kanya at kanyang ipinaglaban na siya ay biktma ng mga sindikato ng mga illegal na droga na nag-o-operate sa Pilipinas at sa Saudi Arabia.
Sinabi rin Junivie sa kanyang salaysay na sa Saudi na lang daw niya nalaman na may dala syang illegal na droga nang siya ay arestuhin ng mga awtoridad sa kanyang pinagtatrabahuhan.
Ang bagahe na kanyang dinala sa pagpunta ng Saudi ay ibinigay daw sa kanya ng representative ng kanyang agency sa Pilipinas nang araw na siya ay nasa airport at paalis na ng Pilipinas.
Hindi na daw siya nagkaroon ng panahon na matingnan ang nilalaman ng bagahe dahil wala nang oras noon.
Sinabi ni Elvira, ina ni Junivie, na hindi inakala ng kanyang anak na magkakaproblema siya dahil sino ba naman daw ang hindi magtitiwala na ang nagpadala sa kanya ng bagahe ay ang mismong ahensya na nagpa-alis sa kanya.
Sa panayam kay Consul Rj Sumague na siyang acting head of post ng Philippine Consulate, sinabi nitong nagtulong-tulong ang DFA, DOLE at OWWA sa pagkuha ng visa na tinatawag nilang "compassionate visa" at maging ang pamasahe sa eroplano at hotel accommodation sa Jeddah sa mag asawang San Juan para madalaw ang kanilang anak.
Sinabi ni Sumague na tapos na ang kaso ni Junivie at tanging ang pagbabayad na lang ng garama (penalty sa English) upang makalaya na ang dalaga.
Ayon kay Sumague, sa oras na makaaya si Junivie ang deportation na ang susunod na proseso.
Panawagan ni Sumague sa iba pang mga OFW, mag-ingat sa mga nagpapadala sa kanila.
“Kung maaari ay huwag nang tumanggap ng padala kahit na ito ay kakilala pa nila. Gusto ko rin manawagan sa ating mga recruitment agency na maging responsible at magtrabaho para sa kapakanan nang ating mga worker, pahayag ni Sumague. —LBG, GMA News