Sumuko nitong Biyernes ang lalaking itinuturing pangunahing suspek at nagdala sa ospital kay Horacio Tomas "Atio" Castillo III, ang law student ng University of Santo Tomas (UST) na namatay kaugnay ng hazing.
Isinuko ni UST Civil Law Dean Nilo Divina kay Senador Panfilo Lacson si John Paul Solano. Dinala naman ng senador si Solano sa Manila Police District (MPD) director Chief Superintendent Joel Coronel.
Sabado ng gabi nang magpaalam umano si Castillo, 22-anyos, sa kaniyang pamilya na dadalo sa isang pagtitipon ng Aegis Juris fraternity. Pero hindi na siya nakabalik ng buhay.
Linggo ng umaga nang dalhin ni Solano sa Chinese General Hospital si Castillo.
Unang itinuring "person of interest" si Solano sa kaso, at kinalaunan ay ikinunsidera nang pangunahing suspek matapos madiskubreng nagbigay siya ng mga maling pahayag sa pulisya.
Ayon kay Coronel, natuklasan nila na freshman law student din ng UST si Solano at miyembro rin ng Aegis Juris Fraternity.
Lumitaw din na si Solano umano ang naghikayat kay Castillo na sumapi sa fraternity.
Bagaman inamin ni Solano na miyembro siya ng fraternity, iginiit niya na hindi siya kasama sa initiation rites kay Castillo.
“My involvement was to give medical assistance that time…Because they were in chaos at that time. I was not there. They needed medical assistance. I am a medical health provider so more or less they would call me,” paliwanag ni Solano, na nagsabing registered medical technologist din siya.
Nilinaw din niya na dati siyang nag-aral ng abogasya sa UST, pero naghain siya ng leave of absence noong 2016.
“I’m not a law student now. I don’t know him personally. I only met him twice. The first one he told me his name and then the second time was [when] the incident happened,” ayon kay Solano.
Sinabi ni Solano na “half dead” at “unconscious” si Castillo nang makita niya bago niya dinala sa ospital.
“Yes, I did [resuscitate]…More or less, he’s half dead. I cannot give a final verdict that he is dead because I’m not a doctor. He’s unconscious, I gave CPR and then when I cannot do anything else, I brought him to the hospital,” paliwanag niya.
Sinabi ng abogado ni Solano na si Paterno Esmaquel, na ipakikita ng kaniyang kliyente na inosente ito sa kaso.
Nang tanungin kung bakit siya sumuko, sagot ni Solano: “It’s getting worse. We can say it’s getting worse. I want to clear my name because I know myself, I know I’m innocent.”
Inamin naman ni Solano na nagbigay siya ng maling pahayag sa pulisya kaya humingi siya ng paumanhin sa pamilya ni Castillo.
“First and foremost, I would like to apologize for giving false statements for that matter, to the family of Atio and for the death of their son,” ani Solono.
“I would shed light to this matter through my Atty. They are preparing a statement for me,” dagdag niya. -- FRJ, GMA News