Nagpahatid ng pagbati ang mga lider ng Simbahang Katolika sa pagdiriwang ng mga Muslim sa Eid'l Fitr, isang banal na pagdiriwang ng Islam sa pagtatapos ng isang buwang Ramadan.

Ayon kay Ozamis Archbishop Martin Jumoad, nawa ang isang buwang pagdiriwang ay maging daan para sa kapayapaan at pagkakaisa ng mga Filipino maging sa ibang panig ng mundo.

“Mga minamahal kong kapatid na Muslim ako po ay taospusong nagpapasalamat sa pagdiriwang niyo ng Eid'l Fitr. Sana po ito'y magdala sa atin sa kapayapaan at sa buhay na walang hanggan. Sana po ang celebration ay maging tulay para tayo po ay magkaisa para wala nang digmaan, kasi tayo po ay magkakapatid,” panalangin ni Jumoad.

Sinabi naman ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na ang diwa ng pagdiriwang ay maghatid ng pagbabalik-loob ng bawat isa sa Diyos at maabot ang adhikain ng bawat isa tungo sa kapayapaan.

“Sa mga kapatid kong Islam at sa aking mga kababayan sa pananampatalayang Islam isang taos pusong pagbati ng kapatiran at pagkakaisa.Nawa ang Ramadan ay naging makahulugan at nagbunga ng pagbabalik loob sa Diyos ng lahat ng ating kapatid sa Islam,” ayon kay Bishop Bagaforo.

Kapwa umaasa si Archbishop Jumoad at Bishop Bagaforo na magwawakas na rin kaguluhan at labanan sa Mindanao na isang buwan nang nasa ilalim ng martial law.

Sa kasalukuyan, hindi pa rin lubos na nababawi ng pamahalaan ang Marawi City sa pananakop ng Maute group bagama’t naghahanda na sa isasagawang rehabilitation ng mga nasirang gusali at establisimyento.

Sa ulat, higit sa 300,000 katao na ang sapilitang lumikas sa kani-kanilang tahanan para sa kanilang kaligtasan, habang patuloy pa ring tumataas ang bilang ng mga nasasawi na higit na sa 300-katao.

Patuloy ding dumaranas ng paghihirap at hinagpis sa mga evacuation center ang mga apektado ng labanan sa Marawi.

Patuloy naman ang panalangin ng Santo Papa Francisco para kapayapaan sa buong mundo lalu’t ang digmaan ay walang maidudulot na kabutihan sa lipunan kundi pagkasira ng buhay at kabuhayan. —LBG, GMA News