Madamdamin ang isang fur mom matapos mapanood sa CCTV ang kanilang alagang aso na tahimik silang tinititigan at tila malungkot, na pahiwatig na pala na namamaalam na nito.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang footage ng asong si Annie na pinagmamasdan ang pagtulog ng pamilyang kumupkop sa kaniya.
Inalagaan at binigyan si Annie ng masayang tahanan ng pamilya ni Mariz de Mesa Lacuesta apat na taon ang nakalipas.
Sa naturang CCTV footage, mapapanood ang kalungkutan ni Annie kung saan tila pahiwatig ang mga kilos nito ng kaniyang pamamaalam sa kaniyang fur family na hindi siya sinukuan.
Hindi inasahan ni Lacuesta na ang pagtabi sa kanila noong gabing iyon ni Annie na ang huling gabi na makakasama nila ito sa pagtulog.
Namaalam si Annie nitong Agosto 24 dahil sa kidney failure.
Ayon kina Lacuesta, inaasahan na nila ito, bagama't masakit pa rin sa kanila ang nangyari.
"Last year pa siya na-diagnose ng kidney failure. Nu'ng nalaman ko po na parang ganu'n na 'yung stage, parang gumuho 'yung [mundo] ko eh, para akong binuhusan ng malamig na tubig kasi alam ko na puwede siyang tumagal na lang nang hanggang six months," sabi ni Lacuesta.
Inilaban pa nina Lacuesta si Annie at pabalik-balik sila noon sa vet kada nanghihina ang kanilang aso.
May isang kahilingan si Lacuesta kung mawawala man ang mahal niyang fur baby.
"Sabi ko 'Annie sa isang taon na puro tusok ka ng karayom, puro suwero, balik-balik sa vet, ang dami mo nang pinagdaanan, puwede bang 'pag aalis ka na, gusto ko ba 'yung parang natutulog ka na hindi kita makikita na naghihingalo. Tapos 'yun nga ang nangyari," sabi ni Lacuesta.
Sa ngayon, hirap maka-move on sina Lacuesta sa pagkawala ng kanilang alaga na itinuring na nilang parte ng kanilang pamilya at pinuno nila ng pagmamahal.
"Kung may magagawa lang 'yung pagmamahal mo para dugtungan 'yung buhay niya, siguro buhay pa siya ngayon. Na-realize ko na kahit anong pagmamahal mo, kahit anong alaga mo, wala. Maiksi lang talaga ang buhay po nila," sabi ni Lacuesta. —VBL, GMA Integrated News