Nasawi ang isang matandang babae matapos siyang masalpok ng isang motorsiklo na mabilis ang takbo sa Gumaca, Quezon.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Biyernes, makikita sa video recording ng nakadisgrasyang motorsiklo na tumatawid ang biktima nang mangyari ang insidente.

Bumisina pa ang motorsiklo pero hindi na niya naiwasan ang biktima na halos sumampa sa motorsiklo bago tumama sa kalsada.

Isinugod sa pagamutan ang biktima pero binawian din ng buhay.

Inamin umano sa pulisya ng rider ng motorsiklo na mabilis ang kaniyang takbo.

Nagkausap na umano ang rider at ang pamilya ng biktima, ayon sa pulisya.—FRJ, GMA Integrated News