Dinaragsa ang isang lalaki dahil sa pamamagitan ng kaniyang dasal, nakaririnig umano ang mga bingi, nakalalakad ang mga nakasaklay at gumagaling ang mga may malulubhang karamdaman sa kaniyang simbahan sa Lapuyan, Zamboanga Del Sur.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing halos 200 maysakit ang dumagsa sa gymnasium para magpagaling kay Apostol Joey, ang 20-anyos na batang lider ng Chosen Generation Ministry International.
Sa gym, inihihilera ang mga nagpapagamot, bago dadaanan ni Apostol Joey.
Hindi maiwasan ng ilang pasyente na maiyak, matumba, mawalan ng malay at mamahiga sa sahig sa gitna ng gamutan, habang sinasalo sila at kinukumutan ng mga tauhan ni Apostol Joey.
Ang 64-anyos na si Danilo Dinopol, 10 buwan nang hindi makalakad nang walang saklay matapos matusok ng pako ang kaniyang paa, na na-trigger pa ng kaniyang diabetes.
Bumiyahe pa siya ng halos isang oras mula bayan ng Dumalinao para mapuntahan ang krusada ni Apostol Joey.
Sa krusada, pinatayo ni Apostol Joey si Dinopol hanggang sa unti-unti na siyang nakakalakad. Ipinaalis din ang benda sa kaniyang paa, at tumambad ang namamaga at nangingitim na sugat.
Maya-maya pa, inihagis ni Apostol Joey ang saklay ni Dinopol.
Kinabukasan, mapapansing maayos-ayos nang nakalalakad si Dinopol kahit wala na siyang saklay.
Ang isa namang lola na dalawang taon nang gumagamit ng tungkod, pinagaling din ni Apostol Joey hanggang sa makatayo at makalakad na ito.
Karamihan sa mga pumupunta kay Apostol Joey ang mga pasyenteng walang pambayad sa ospital.
Ang 59-anyos nang si Abner Emboy, tila paralisado na dahil sa kaniyang bali sa spine o gulugod.
Dahil walang pampa-opera sa halagang P100,000, nagtungo si Abner kay Apostol Joey. Matapos ang ilang dasal, inalalayan siyang tumayo hanggang sa tuluyan na rin siyang nakahakbang.
Ngayon, nakapaglalakad na si Abner kahit wala na sa kaniyang umaalalay.
Ang 16-anyos na ngayong si Jessabel Agus, nagkaproblema sa pandinig nang umakyat siya sa puno at nahulog.
Ngunit nang sumailalim sa pray over ni Apostol Joey, humandusay si Agus at nag-iiyak dahil nakarinig na siya.
Si Joefer Pamugas na may brain tumor at hirap makalakad, nagtungo rin kay Apostol Joey. Ngunit sa gabi ng gamutan, hindi siya dinasalan ni Apostol Joey dahil nalaman nitong merong sumpa si Pamugas mula sa kaniyang amain.
Sa sumunod na araw, isinama nina Pamugas at kaniyang asawang si Elosama ang kaniyang amain. Ngunit hindi pa rin siya pinagbigyan ni Apostol Joey.
“Kasi useless kapag dinasalan ko siya, meron siyang habak (anting-anting). You have to follow the instructiions of the word of God,” sabi ni Apostol Joey.
Matibay na ang pananampalataya ni Apostol Joey kahit noong bata pa lamang, at nagsilbing mga elder sa simbahan ang kaniyang mga magulang.
Napanaginipan ni Apostol Joey ang kaniyang sarili na nagpapagaling.
“Nakita ko sa dream na merong taong nasugatan. Hinawakan ko ‘yung kama niya. Paghawak ko, biglang nawala ‘yung mga sugat nila. Doon ko na-realize may gift ang ating Panginoon sa akin,” sabi ni Apostol Joey.
Itinatag ni Apostol Joey ang kaniyang simbahan na Chosen Generation Ministry International noong magkapandemya, at gumagala sa iba’t ibang lugar sa Visayas at Mindanao para manggamot.
“Hindi rin kami tatanggap ng bayad kasi ibinigay ito ng ating Panginoon, libre po siya,” sabi ni Apostol Joey.
Tunghayan sa KMJS ang paliwanag ng mga eksperto tungkol sa mga nangyayaring paggaling umano ng mga pasyente ni Apostol Joey, at ang masasabi ng isang Katolikong pari tungkol sa mga faith healer. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News