Inilahad ni Rodjun Cruz ang nakita niyang pagbabago sa kapatid na si Rayver mula nang maging girlfriend nito si Julie Anne San Jose.

"Grabe, iba 'yung happiness ni Rayver. Every day, 'O kuya RJ, saan tayo? (excited na tono).' Sobrang saya niya," sabi ni Rodjun sa "Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkoles.

Bukod dito, naging mas mahusay pa si Rayver sa mga talento nito.

"Tapos sa instruments sumobra ang galing, pati sa pagkanta niya, ang dami niyang natutunan. Alam niyo pong inspired talaga siya," ani Rodjun.

Nagsimula sina Rayver at Julie Anne bilang magkaibigan nang lumipat si Rayver sa Kapuso Network.

Matapos nito, nagkasama sina Rayver at Julie sa ilang proyekto gaya ng "The Clash" at "All-Out Sundays" at nagkaroon pa ng movie na "The Cheating Game."

Sa huli, pinayuhan ni Rodjun si Rayver na alagaan at mahalin pa nito ang kaniyang kasintahan.

"Bro sobrang blessed ka kay Julie. Alagaan mo, mahalin mo and ipag-pray niyo, sa tamang panahon, ninong na si Tito Boy" mensahe ni Rodjun kay Rayver.

Nauna nang inihayag ni Rodjun ang kaniyang “100%” na suporta kay Julie Anne para kay Rayver, matapos niyang makita kung gaano kamahal ng Asia’s Limitless Star ang kaniyang kapatid. —Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News