Matapos ma-engaged kay Bobby Ray Parks Jr., inihayag ni Zeinab Harake ang kaniyang dream wedding na magaganap umano sa 2025.

“Ang dream wedding ko is, kung gaano naging kabongga ang proposal, ayoko naman ng ganu’n kabongga. Gusto ko ‘yung mararamdaman natin ‘yung pagiging intimate ng love, mas mangingibabaw kaysa ‘yung dami ng tao,” sabi ni Zeinab sa media reporters, na iniulat din sa Kapuso Showbiz News.

“Mamimili talaga ako kung sino lang talaga ‘yung nasa buhay ko, ‘yun lang siguro ‘yung invited. Gusto ko simple lang,” pagpapatuloy ng kilalang content creator.

Para kay Zeinab, mas mahalaga ang mga masasayang moment.

“Ayoko na ng… Bongga na ‘yung proposal eh. Gagandahan naman, siyempre gusto ko maganda. Pero ayoko lang ng sobrang enggrande.”

Kuwento ni Zeinab, matagal nang pinlano ni Ray ang proposal nito sa kaniya.

“Ang tagal na palang nakaplano. Pinlano niya, birthday niya pa lang, February. Noong birthday ni Bia, doon daw ‘yung talagang naka-order na siya ng ring. Sinabi niya ‘yun sa dulong part ng vlog ko na na-order na niya ‘yung ring, napakita na niya sa mga kapatid ko,” sabi niya.

Target nina Zeinab at Ray na ikasal sa susunod na taon.

“Actually, hindi naman kaya rin within a year kasi ang dami pa nating kailangang pokusan. Next year talaga. Sure ‘yon, next year na ang kasalan,” sabi niya.

Ibinahagi rin ni Zeinab na nakabili na sila ni Ray ng lote kung saan nila ipagagawa ang kanilang bahay.

“Isa pang pinag-uusapan namin ni Daddy Ray, kasi nakabili kami ng lot. Tapos gusto namin, plan talaga namin sana by two years kaya siya magwa-one year pa uli sa Japan because roon, para makapag-provide kami sa pagpapagawa ng bahay,” pagbahagi niya.

Excited si Zeinab para sa kanilang mga plano.

“Dream house, actually excited ako para rito sobra. Dalawa kami, kaya work hard kami pareho,” sabi niya.

“So kaysa i-spend mo ‘yung malaking pera sa kasal, mas maganda mag-spend for the future with the kids,” ayon pa kay Zeinab.

Na-engaged sina Zeinab at Ray ngayon lang buwan ng Hulyo.

Kinumpirma ni Zeinab ang relasyon nila ni Ray sa June 2023 episode ng "Fast Talk with Boy Abunda."

May dalawang anak si Zeinab sa dating partner, at isang adopted son. Naglalaro naman si Ray bilang Asian import para sa Nagoya Diamond Dolphins.-- FRJ, GMA Integrated News