Nagpahiwatig ang actress-beauty queen na si Herlene Budol na maglalabas muli siya ng single sa susunod na taon. Patikim nga ba niya ang "Kain Tayo?"

Sa Instagram, nag-post si Herlene ng larawan habang kumukuha siya ng voice lessons, at pinasalamatan ang dati niyang manager na si Wilbert Tolentino.

“Thank you Mima ko @sirwil75. Yung kht indi na cya Manager ko pero andyan parin cya thru thick & thin at pinupush nya ako mag voice lesson at classmate ko narin si Little KaFreshness Willard King Tolentino,” saad ni Herlene sa caption.

“Masaya pala ang Musika. Yung may assesment ng coach ko si @kimusikero ng Jazz, Pop, Ballad, Blues, Rock, Hip hop, Classical, Electro, New age, Reggae atbp,” patuloy niya.

Kasunod nito ay inanunsyo ni Herlene ang kaniyang gagawing bagong single.

"Ciempre Abangan ang bagong Single na ilalabas ko sa 2024 - ‘KAIN TAYO,’” saad niya.

 

 

Noong 2022, naglabas ng awitin si Herlene ng may pamagat na “Gandang Hipon.”

Kamakailan lang, nasangkot si Herlene sa kontrobersiya kasama ang kaniyang “Magandang Dilag” co-star na si Rob Gomez.

Nag-viral sa social media ang umano'y palitan nila ng mensahe ni Rob.

Ayon kay Herlene, "'Pag dedicated ka sa trabaho, gagawan ka ng issue!"

Sa hiwalay na pahayag, sinabi pa ng aktres na, “‘Yung batuhan ng mga script para pang kabisado sa mga linyahan ay nahaluan ng mga joke at one liner tulad ng salitang 'kain' ganyan na agad ang tingin nyo sa akin.” —FRJ, GMA Integrated News