Tagumpay si Kapuso Primetime Queen Marian Rivera sa kaniyang unang prank na ginawa kay Ivana Alawi.

Naging bisita si Marian sa latest vlog ni Ivana, kung saan nag-mukbang sila at sinamahan ng mga tanong na ibinabato ni Mona, kapatid ni Ivana.

Sa simula ng vlog, inihayag ni Ivana ang kaniyang matinding paghanga kay Marian.

"Pinaka-maganda at pinaka-idol ko, Ms. Marian Rivera," ani Ivana.

Nang mapag-usapan ang tungkol sa kanilang paboritong roles, ibinahagi ni Marian ang kaniyang role bilang si  MariMar, na nagbukas sa kaniya ng maraming oportunidad.

Sinabi rin ni Marian kay Ivana na bihira siyang pumayag na makapanayam sa kanilang bahay.

"Bihirang-bihira ako tumanggap ng nag-iinterview sa akin na ginagawa dito sa bahay, isa ka dun sa nag-yes ako, oh diba," saad ni Marian.

Tinanong naman ang dalawa kung anong bahagi ng kanilang buhay ang nais nilang i-"rewind." Si Marian, sinabi na nais niyang bumalik sa panahon na maliliit pa sina Zia at Sixto.

“Hindi naman sa ayaw kong malaki na sila pero ang sarap kasi nung mga maliliit pa sila na wala silang inaasahan kundi si Mama at Dada lang, na andyan lang sila sa bahay. Siyempre ngayon pumapasok na sa school,” paliwanag ni Marian, na bida sa 2023 MMFF movie na "Rewind," na katambal ang asawa niyang si Dingdong Dantes.

Sa huling bahagi ng vlog, nabanggit ni Marian ang pagiging late ni Ivana nang gawin nila ang vlog. Iginiit ng Kapuso star na hindi niya gusto sa katrabaho ang late.

Ilang beses na tinanong ni Marian kung bakit nga ba na-late si Ivana, at nagkuwari siyang nairita hanggang sa iwan na si Ivana.

Hindi na napigilan ni Ivana na umiyak kaya naman isiniwalat na ni Marian na prank lang ang kaniyang pagkairita.

Isiniwalat din ni Marian na si Mona ang nakaisip ng naturang prank sa kaniyang ate.

“Wala na, wala na tatalo sa prank na ‘to, ‘yung pinrank ka ng idol mo,” naiiyak na sabi ni Ivana..

Nagbigay din si Marian ng cake kay Ivana na magdiriwang ng kaarawan. —FRJ, GMA Integrated News