Magsisimula na si Michelle Dee sa kaniyang training para maging bahagi ng Philippine Air Force bilang reservist.

Ito ang inanunsyo ng Miss Universe Philippines Organization sa kanilang Instagram, kung saan nag-post siya ng mga larawan habang kausap ang ilang opisyal ng PAF.

Sa naturang pulong, ipinaliwanag umano kay Michelle ang kaniyang gagawin sa pagsasanay para sa bayan.

“FOR THE PHILIPPINES,” nakasaad sa caption ng MUPH.

“She knows that it’s going to be very challenging, but it’s something she really wants to do for the country. As @michelledee says, ‘Service first,’” dagdag ng organisasyon.

“We salute Michelle Marquez Dee's dedication to serve!”
 


 
Itinanghal si Michelle bilang Miss Universe Philippines 2023, at nakatakdang sumalang sa Miss Universe pageant sa Nobyembre.

Humanga naman ang fans na pumasok si Michelle sa military training sa kabila ng mahigpit niyang schedule para sa paghahanda para pangatawanan ang Pilipinas sa El Salvador.

Isang Sparkle actress, isinusulong ni Michelle ang autism awareness at LGBT+ rights.

Lumantad si Michelle bilang isang bisexual matapos magwaging Miss Universe Philippines ngayong taon.-- FRJ, GMA Integrated News