Nabigla at nagsigawan ang mga tao sa gitna ng isang parada matapos biglang mapahiga sa kalsada ang isang pulis na tila hinimatay sa Cuyo, Palawan. Ngunit ang pulis, bigla ring bumangon at sorpresahin inalok ng kasal ang kaniyang nobya.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing napalitan ng tilian ang pagkabigla ng mga tao nang magpo-propose ng kasal ang pulis na si Joel sa kasintahang si Rosemary.

Hindi naman nasayang ang "drama" ng pulis sa kaniyang paandar dahil nasungkit niya ang matamis na "yes" ng kasintahan.

Napasayaw pa sa tuwa si Joel, maging ang kaniyang kasabwat na may hawak ng bagay na may nakasulat na "will you marry me?"

Nangyari ang proposa ni Joel sa Purongitan Festival na kapistahan ni Sr. San Agustin.

Sinabi ng uploader ng video na si Jeinnielyn Tico na dating magkaklase sa kolehiyo ang couple na sina Joel at Rosemary.

Matagal na silang magkasintahan at naghihintay na lamang ng tamang panahon bago lumagay sa tahimik.

Hindi inaasahan ni Rosemary na hahantong sa wedding proposal ang kaniyang pagdayo upang makisaya sa pista.

Bumuhos ang pagbati sa couple nang pasayahin nila lalo ang makulay at maingay na selebrasyon ng Purongitan Festival.-- FRJ, GMA Integrated News