Nagkagulo ang mga tao sa Alicante, Spain nang makita ang isang batang lalaki na nakasampa sa railing ng balkonahe. Ang sumagip sa kaniya, isang lalaki na napadaan sa insidente.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, makikitang halos hindi makagalaw ang batang lalaki na nasa ikalawang palapag ng gusali.

Madidinig naman ang sigaw ng mga taong nasa ibaba dahil halos mahulog ang bata mula sa balkonahe.

Ilang saglit pa, isang lalaki ang buwis-buhay ang umakyat sa gusali at nilapitan ang bata para sagipin.

Kinilala siya ng lokal na pamahalaan ang lalaki dahil sa kaniyang kabayanihan upang sagipin ang bata.

Napag-alaman na immigrant sa Spain ang lalaki.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News