Mala-teleserye ang kuwento ng isang lalaki sa China na 33-anyos na ngayon. Nang isilang siya, ninakaw siya ng duktor at lumaki sa mahirap na pamilya. Hanggang sa matuklasan niya ang katotohanan at matunton ang tunay niyang mga magulang na milyonaryo pala.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood ang mala-fiestang pag-uwi ng lalaking si Zhang Huaiyuan sa kaniyang tunay na pamilya.

Mahigpit na yakap din ang isinalubong sa kaniya ng kaniyang tunay na ina, na napaniwala ng duktor na patay ang sanggol na kaniyang iniluwal noon.

Nagsimula ang lahat nang manganak si Mrs. Li sa isang ospital sa Zheijang China, kahit anim na buwan pa lang sa kaniyang sinapupunan ang sanggol.

Dahil kulang sa buwan, sinabi umano ng duktor na patay ang sanggol, at napaniwala ang ginang at kaniyang mister.

Ayon sa ama ng Zhang, hindi nila nakita ang sanggol.

Wala rin daw alam sa nangyari ang kaniyang misis na nasa ilalim ng general anaesthesia nang panahong iyon.

Ang hindi nila alam, buhay ang sanggol na si Zhang na kinuha ng duktor at dinala sa kamag-anal na hirap magkaroon ng anak.

Lumaki sa hirap si Zhang, at hindi nakapagtapos ng pag-aaral.

Pero nang namatay ang kaniyang inaakalang ama, doon na ipinagtapat ng kinikilala niyang ina ang lihim tungkol sa kaniyang pagkatao.

Nag-imbestiga si Zhang, at sa tulong ng mga pulis, nahanap niya ang tunay niyang mga magulang na milyonaryo pala.

Nakumpirma ng mag-asawang milyonaryo na anak talaga nila si Zhang batay sa resulta ng DNA test.

Sa selebrasyon ng kaniyang pag-uwi sa tunay niyang mga magulang, niregaluhan si Zhang ng CNY 1.2 milyon o katumbas ng mahigit P9.7 milyon.

Ayon sa ama ni Zhang, lumaki ang kanilang anak na hindi man alam ang kaniyang sariling kaarawan.

"From this year on, our family will finally celebrate it together," ayon kay Mr. Li.

Hindi naman malinaw kung magssampa pa sila ng kaso laban sa duktor at sa pamunuan ng ospital.--FRJ, GMA Integrated News