Nakatawag ng pansin sa mga tao ang isang aso na nakitang pagala-gala sa Thailand na may nakasuklob na transparent na plastic container sa kaniyang ulo at mukha. Ang aso, tila gutom, uhaw, at nahihirapan na.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, napag-alaman na isang linggo nang nasa ulo ng aso ang plastic container habang pagala-gala ito sa grass field sa Satun, Thailand.
Gusto sana ng mga tao sa lugar na tulungan ang aso na alisin ang container sa ulo niya pero hindi nila ito malapitan dahil nagiging agresibo dala marahil ng takot.
Hanggang sa tumawag na ng tulong sa eksperto si Local Sombat Charoenkwan, na sadyang nagpupunta sa lugar para magpakain doon ng mga asong-gala.
Hindi naman nabigo si Local nang dumating ang rescue team na kaniyang tinawagan. Isang babae ang nagtangkang lumapit sa aso habang dala ang pagkain.
Pero tumakbo palayo ang aso kaya napilitan na ang ibang kasama sa rescue team na habulin siya hanggang sa mahuli.
Nagpupumiglas pa ang aso habang sinusubukang alisin ang plastic container sa ulo niya. Pero dahil sa hindi na mahatak ang container, kinailangan na itong guputin.
Nang kaya nang alisin ang container sa ulo, mabilis itong tinanggal sabay pagbitaw sa aso na kumaripas naman ng takbo.
Pero bago tuluyang iwan ang aso, nag-iwan muna ang rescue team ng pagkain at tubig sa lugar para makainom at makakain ang kawawang hayop.--FRJ,GMA Integrated News