Pinandirihan ng netizens ang viral CCTV footage ng isang malaking daga na direktang umiinom sa water dispenser ng isang opisina.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa State of the Nation, mapapanood ang naturang viral Facebook video kung saan napagsigaw na lamang ang mga tumitingin sa CCTV footage.
Sa video, makikita ang pagsulpot ng isang malaking daga na umakyat sa water dispenser tsaka direktang uminom doon.
Hindi malinaw sa video kung ano ang mga sumunod na nangyari o kung may nagkasakit sa gumagamit ng water dispenser.
Ipinaliwanag ng infectious disease expert na si Dr. Rey Salinel na wala sa hitsura ang problema sa daga kundi sa mga pinamumugaran nito.
Madalas daw itong pinagkukuhanan ng iba’t ibang mikrobyo na maaaring pagmulan ng sakit, gaya ng leptospirosis.
“Isa ito sa tinatawag nating zoonotic disease, isang disease from animals na napupunta sa human beings. Isa dito ‘yung bacteria na Leptospira na nabubuhay sa kidney hindi lamang ng daga,” sabi ni Salinel.
“‘Yung bacteria roon sa bibig ng daga, napunta sa snout, napunta sa dispenser, baka puwedeng mag-cause ng discomfort sa mga taong umiinom,” dagdag pa niya.
Payo ng eksperto, palitan ang snout ng dispenser, i-sanitize o palitan ang dispenser, at tumawag ng pest control. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News