Dahil sa matinding init, natuyo ang malaking bahagi ng Amazon River at iniluwa nito ang mga bato na matagal nang nalubog na may pambihirang mga marka o nakaukit na mga mukha ng tao.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita mula sa ibabaw na tila ordinaryong tanawin lang ang mga bato na daaan-daang taon nang nakalubog sa tubig pero lumitaw dahil sa matinding tagtuyot.
Ngunit kapag sinuri ang mga bato, makikita na ang mga nakaukit na mga mukha ng tao.
Ang lugar ay itinuturing archeological site na tinatawag na Ponto das Lajes o Place of Slabs.
Ayon sa isang archaeologist, posibleng nasa 2,000 years old na ang tanda ng mga marking na nadiskubre sa mga bato.
"In this place, we have evidence of pre-Colombian group occupations. This is an archaeological site we classify as of high importance due to the diversity of material we have," sabi ni Jaime de Santana Oliviera, archaeologist.
May palatandaan din umano sa mga bato na ginawa sa lugar ang mga sinaunang stone tools.
Ang mga bato rin daw ang ginamit noon na hasaan ng mga patalim.
Dati na raw na may nakitang mga marking sa mga bato sa lugar noong 2010, pero mas marami ang nakita ngayon dahil sa lawak na rin ng bahagi ng ilog na natuyo.
Ito ang unang pagkakataon na bumaba sa 13 meters ang lalim ng tubig sa Rio Negro, na nakararanasan ngayon ng pinakamalalang tagtuyot sa loob ng nakalipas na siglo.--FRJ, GMA Integrated News