Isang human embryo na hindi ginagamitan ng sperm at egg cell ang nabuo ng mga siyentipiko--hindi sa loob ng sinapupunan-- kundi sa isang laboratoryo sa Israel. Posible rin kaya itong maging isang ganap na sanggol?

Sa ulat ng GMA News Feed, sinabi ni Prof. Jacob Hanna ng Weizmann Institute of Science, na gumamit sila ng stem cells galing sa balat ng tao at iba pang cells na cultured sa lab.

"What we did, we took human stem cells that were derived years ago from donated early embryos. We have to use these human naive stem cells, and then we put each aggregates of 120 cells," sabi ni Hanna.


Kagaya ng embryo sa ika-14 na araw na pagbubuntis ng isang babae ang nabuo nilang embryonic model. Sa stage na ito, may internal structures na ang embryo at naghahanda para sa pagbuo ng body organs.

Ngunit nilinaw ng mga siyentipiko na hindi synthetic embryo ang kanilang ginawa kundi isang model na nagpapakita ng istruktura ng embryo.

Kaya kung tatanungin kung maaari nga bang maging isang ganap na sanggol ang kanilang ginawa, ang sagot ay hindi.

"That is just impossible because the human embryo is very big. Pregnancy is nine months. I mean even in mice where pregnancies are very short and the embryo is very small. We can only do, so far, 10 and a half days," sabi ni Hanna.

Ngunit magagamit ang embryonic model para mapag-aralan ang epekto ng mga gamot sa pagbubuntis at mas maintindihan pa ang miscarriages at genetic diseases.

Posible rin umanong magamit ang embryonic model sa tissue at organ transplant.

“There might be some cells that are useful actually, that you can take and transplant or take them and expand them and transplant them or take them and just (use) drugs on them and so forth. They could also be themselves as a source of cells,” sabi ni Hanna.-- FRJ, GMA Integrated News