Laking gulat ng may-ari ng isang exotic pet shop sa Devon, England nang makita nila na dalawa ang ulo ng isang ahas nang mapisa ang itlog nito.
Sa video ng GMA News Feed, makikita ang ahas na isinilang sa Exeter Exotics pet shop na magkadikit ang ulo, pero magkahiwalay ang kanilang bibig at tig-dalawa ang mata.
Ayon sa pet shop, noong nakaraang buwan pa napisa ang itlog ng ahas pero kamakailan lang nila ito ipinakita sa publiko.
Hinala ng may-ari ng pet shop, kambal ang ahas pero hindi naghiwalay ang kanilang embryo sa loob ng itlog.
Bicephaly ang scientific name ng kondisyong ito, na inaasahan na mas maigsi ang buhay kaysa normal na reptile.
Pinaniniwalaan din na isa lang sa bawat 100,000 ahas na napipisa ang maaaring magkaroon ng ganitong kondisyon.
Wala raw plano ang may-ari ng petshop na ibenta ang kakaiba nilang, at sa kasalukuyan ay mabuti naman ang kalagayan ng mga ito.
At kahit magkasama sila sa isang katawan, kapansin-pansin umano na magkaiba ang hilig ng ahas pagdating sa pagkain. --FRJ, GMA Integrated News