Sa halip na ang kalabang manok ang harapin, hinabol ng isang panabong na manok ang kaniyang amo na nagbitiw sa kaniya sa loob ng ruweda ng sabungan. Ang sabungero, duguang isinugod sa ospital.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita ang 59-anyos na si Arnold Tan, na kaagad lumayo nang bitawan niya ang kaniyang manok sa isang sabungan sa Panabo City, Davao del Norte.
Pero sa halip na harapin ng manok ang kaniyang kalabang manok, si Arnold ang hinabol nito at inatake. Dahil sa may "tari" [matalim at matulis na bagay na inilalagay sa paa ng manok], nagtamo ng siyam na sugat sa binti at paa si Arnold.
Sa video na kuha nang mangyari ang insidente, makikita ang pagdaloy ng dugo sa paa ni Arnold. Kaagad siyang binuhat at dinala sa ospital.
Ayon sa duktor, mahina at maputla na si Arnold nang madala sa ospital. Maaari daw nitong ikamatay ang tinamong mga sugat.
Sa kabutihang palad, nakaligtas si Arnold kahit maraming dugo ang nawala sa kaniya.
Apat na dekada nang nag-aalaga ng mga manok na panabong si Arnold. Aniya, parang anak na ang turing niya sa kaniyang mga alaga, at ibinibili pa niya ito ng bitamina para manatiling malakas.
Pero sa 10 manok na kaniyang alaga, aminado si Arnold na ang manok na umatake sa kaniya ang hindi niya paborito dahil nga nang-aatake talaga ng tao.
Ang anak ni Arnold na si Bryan na nasa sabungan din nang mangyari ang insidente. Aniya, kinuha niya ang manok na umatake sa kaniyang ama.
"Pagkuha ko sa manok, sinabi ko sa kaniya, 'bakit mo nagawa sa papa ko yon? Pinapakain ka namin, inaalagaan ka namin," sabi ni Bryan na awang-awa sa sinapit ng kaniyang ama.
Matapos ang ilang araw na pamamalagi sa ospital, nakauwi na si Arnold para sa bahay na ipagpapatuloy ang kaniyang pagpapagaling.
Pero ano kaya ang naging hatol sa manok na nang-atake ng amo? At bakit nga ba may mga manok na nang-aatake ng tao? Alamin sa video ng "KMJS."-- FRJ, GMA Integrated News