Gumawa ng ingay sa Malita, Davao Occidental ang kuwento tungkol sa isang 18-anyos na binata na binaril ng kaniyang tiyuhin gamit ang mala-shotgun na baril na "surit-surit." Pero kataka-takang hindi umano bumaon sa katawan nito ang mga bala kaya ang paniwala ng iba, baka may agimat o bertud ang lalaki.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ng binatang si Jayson Mango, ang tinamo niyang siyam na maliliit na sugat sa dibdib na naghilom na. Mula iyon sa tama ng sinaunang baril na tinatawag na "surit-surit," na kahalintulad ng modernong shotgun.
Ayon kay Jayson, June 29 nang mapadaan siya sa kaniyang tiyuhin na si "Karding," 'di niya tunay na pangalan, at inaya siya ng inuman.
Pero hindi raw nagtagal, biglang kumuha ng baril ang kaniyang tiyuhin at basta na lang siya binaril.
Bagaman naramdaman ang sakit ng tama ng bala sa kaniyang dibdib, nagawa ni Jayson na makatakbo palayo sa kaniyang tiyuhin.
At nang makahingi ng tulong, nagpasama siya sa barangay para isumbong ang pangyayari at dinala si Jayson sa ospital para magamot ang kaniyang tama.
Pero laking gulat ni Jayson nang malaman na hindi bumaon sa katawan niya ang mga bala at nag-iwan lang ng maliliit na sugat.
Ang tiyuhin naman ni Jayson, napag-alaman na nagpunta pa sa bahay nila at hinanap ang binata bago tumakas.
Pero kinabukasan, naaresto rin siya ng mga pulis at nakuha ang baril na ginamit niya sa pagbaril kay Jayson.
Ayon kay Karding, binaril daw niya ang kaniyang pamangkin matapos na mauwi sa hamunan ang kanilang inuman. Bumunot umano ng itak si Jayson kaya niya ito binaril.
Gayunman, mariing itinanggi ni Jayson ang bersiyon ng kuwento ni Karding, na nahaharap sa reklamong frustrated murder at paglabag sa Republic Act 10592, o Comprehensive Law on Fireams and Ammunition.
Nagsisisi raw si Karding sa kaniyang ginawa at humihingi siya ng patawad sa kaniyang pamangkin.
Ngunit bakit kaya naging tila bullet proof ang katawan ni Jayson?
Ayon sa binata, noong bata pa umano siya at mayroon daw herbal oil na pinainom sa kaniya ang kaniyang lolo na posibleng dahilan kaya hindi siya tinablan ng bala.
Pero kung ang pulisya ang tatanungin, sinabing mahinang klase ng bala ang ginamit ng suspek sa baril.
Lumilitaw umano na ginawa lang ng suspek ang bala ng baril na pulbura lang ng pospuro ang inilagay at drycell o baterya ang ginawang splinter.
Ang naturang bala, ginagamit umano ng suspek para manghuli ng ibon o manok. --FRJ, GMA Integrated News