Isang uri umano ng sabon na itinuturing 'virginity soap’ ang tinatangkilik ng ilang kababaihan lalo na sa Visayas. Bukod sa nakapagpapaputi at nagpapabango umano ang sabon, kaya raw nitong pasikipin ang maselang bahagi ng katawan ng babae. Paalala lang, maselan ang paksa pero may kinalaman ito sa kalusugan at katawan ng kababaihan.
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ilang babae na nagsabing gumamit sila ng naturang sabon ang nagbigay ng mga positibong komento sa naging epekto ng sabon sa kanilang katawan.
Pero mayroon din namang babae na nagsabi na nakaramdam siya ng pangangati sa singit at nagkasugat-sugat makaraang gamitin niya ng ilang beses ang sabon.
Napag-alaman sa Food and Drug Administration o FDA, na noong isang taon pa sila naglabas ng abiso laban sa pagbebenta, pagbili at paggamit ng naturang sabon.
Dahil hindi nakarehistro at walang certificate of product notification ang naturang sabon, hindi makasiguro ang FDA sa bisa nito at kung ligtas ba itong gamitin.
Sinasabing nabibili ang nasabing sabon sa halagang mula P25 hanggang P80 ang bawat isa.
Pero sa kabila ng abiso na inilabas ng FDA na maaaring makasuhan at pagmultahin ang mga lalabag sa kanilang abiso, marami pa rin daw ang tumatangkilik sa naturang sabon.
Kaya para malaman kung may mapanganib na kemikal na sangkap ang nasabing sabon, ipinasuri ito sa eksperto.
Saan nga ba nanggaling ang naturang sabon? Tunay nga ba itong nagpapasikip ng maselang bahagi ng katawan ng babae? At ano ang paliwanag dito ng kompanya na nagbebenta ng sabon? Alamin ang mga kasagutan sa video na ito ng "KMJS."-- FRJ, GMA Integrated News