Papayagan ng lokal na pamahalaan ng Tangalan, Aklan ang kanilang mga kawaning babae na sa bahay na lang magtrabaho kapag may "buwanang dalaw" o regla.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabing inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan noong Disyembre ang ordinansa na nagpapahintulot na magtrabaho sa bahay ang mga babaeng may buwanang dalaw ng dalawang araw sa loob ng isang buwan.

Epektibo o may bisa na ang ordinansya simula ngayong Pebrero.

May pagkakataon umano na masama ang pakiramdam ng mga babae kapag may buwanang dalaw kaya napipilitang lumiban sa trabaho.

Dahil sa ordinansa, hindi na kailangan ng babae na maghain ng leave of absence kapag masama ang pakiramdam kapag may buwanang dalaw.

Ang Tangalan ang unang bayan sa Aklan na magpapatupad ng naturang uri ng ordinansa.

Sa Spain, isang batas ang ipinasa doon na nagbibigay ng menstrual leave with pay sa mga kawaning babae.

Ang Spain ang unang bansa sa Europe na nagpatupad ng naturang uri ng batas.—FRJ, GMA Integrated News