Kumakayod bilang isang mascot, mas nakilala ang binatang si Sammy Cairo bilang si "Bubba Bear" dahil sa paghahatid niya ng saya para sa ibang tao. Pero ngayong Kapaskuhan, ang nangsosorpresa ang siya namang sinorpresa nang handugan siya ng munting regalo.
"Since bata ako, namulat ako na may pagkukulang sa pera. So nasanay akong magdala ng mga paninda sa school simula elementary hanggang high school, may mga bitbit akong mga pasalubong o kaya kung anong pagkain na puwedeng maibenta," kuwento ni Sam sa Reporter's Notebook.
Naging working student din si Sam at pumasok sa iba't ibang trabaho para pag-aralin ang sarili sa kursong Business Management.
"'Pag naaalala ko noong college ako, siguro kung may nagpapa-aral sa akin, ang sarap mag-aral. Sa akin kasi ma'am habang nag-aaral ako nagtatrabaho ako, naiinggit ako sa ibang tao eh," emosyonal na sabi ni Cairo.
Nang matapos ang kolehiyo, naging assistant supervisor ng retail store si Cairo, at may sideline din siya na taga-gawa at deliver ng do-it-yourself bouquet at mga regalo.
Noong magka-pandemya, naisip ni Cairo na dumiskarte para mas bumenta pa ang kaniyang negosyo, at gumayak bilang ang mascot na si Bubba Bear.
Lumago ang negosyo ni Cairo at nagkaroon pa ng mga kasama na sina Bearto at Babbi Bear.
Sa muling pagbisita ng Reporter's Notebook kay Cairo sa Kawit, Cavite, ibinahagi ng binata na mas dumami pa ang booking sa kanilang negosyo matapos maitampok ang kaniyang kuwento sa programa.
Umabot na rin ang paghahatid nila ng sorpresa maging sa Visayas, kung saan sagot ng kliyente ang accommodation, transportation at pagkain.
Nadagdagan din sila ng tauhan, at nakapagpundar na siya ng sariling gamit para sa negosyo.
Bilang pagkilala sa kaniyang kasipagan, ang nangsosorpresa na si "Bubba Bear" ang siya namang hinatiran ng sorpresa ng Reporter's Notebook ngayong Kapaskuhan. Tunghayan sa video ang kuwento ng buhay ni Cairo. —Jamil Santos/NB, GMA Integrated News