Isang imahe na tila lalaking walang ulo ang malinaw na nakuhanan ng larawan ng isang turista sa sikat na Diplomat Hotel sa Baguio City. Giit ng turista, sigurado siyang walang tao sa lugar nang sandaling iyon nang kumuha siya ng larawan.
Kuwento ni Ces Lapid ng Mabalacat, Pampanga, sa Mornings with GMA Regional TV, nagkayayaan ang kanilang grupo na bumisita sa naturang pasyalan matapos magsagawa ng community service sa Baguio City.
Dakong 8pm noong October 8 nang magplano silang pumunta. Ngunit dahil gabi na at umuulan, hindi na raw sana siya sasama. Pero napapayag din siya dahil first time sa lugar ang dalawa pa niyang kasama na mula sa Bacolod City at Mindanao.
Gayunman, hindi raw kaagad sila pinayagan ng guard sa hotel na makapasok dahil sarado na raw ito para sa mga bisita. Ngunit nagawa nilang pakiusapan ang guard na payagan na lang makapagpakuha ng litrato ang dalawa niyang kaibigan sa loob.
“Natuloy ‘yung pagpasok nila. Hiniram nila ‘yung phone ko…tapos bumalik na sila. Sinasabi nila na mabigat daw ang pakiramdam nila,” kuwento ni Ces.
Nagpapahinga na raw ang kanilang grupo sa isang coffee shop nang maisipan niyang tingnan ang kuha ng kaniyang mga kasama sa kaniyang cellphone. At laking gulat niya nang makita ang tila lalaking walang ulo.
“Nagtingin ako ng mga pictures na kuha nila. Tiningnan ko yung pinaka-una, ‘yung photo na kinuha ko. Nakita ko bakit parang may tao doon. Sa isip-isip ko, wala namang tao doon nung kinuhanan ko ‘yung hotel,” kuwento ni Ces.
“Nung zi-noom ko, wala siyang ulo. Nagdadalawang-isip pa ko kung sasabihin ko sa mga kasama ko,” dagdag pa niya. “Yung tao nakaharap siya, kita mo ang skeleton niya at naka-barong”.
Kahit hindi raw siya naniniwala sa mga multo, hindi maiwasang matakot ni Ces sa nangyari.
Sa kabila nito, sinabi ni Ces na babalik pa rin siya sa Diplomat hotel ngunit gagawin na niya ito sa umaga at marami siyang kasama. --FRJ, GMA News