Kinumpirma ng paranormal researcher na si Ed Caluag na mas dumarami ang insidente ng pagpaparamdam at pagpapakita ng mga elemento tuwing sasapit ang Undas. Pero bakit nga kaya? Alamin ang kaniyang paliwanag.
Sa programang “Unang Hirit”, ipinaliwanag ni Caluag ang misteryo ang koneksiyon ng Araw ng Mga Patay at mga kuwentong katatakutan.
“Oo,” sagot ni Caluag sa tanong kung totoo na sa ganitong panahon ng undas mas nagpaparamdam ang mga elemento.
“Ito kasi ‘yung time na lahat ng tao halos nag-iisip ng katatakutan. So ito ‘yung kumabaga…’yung sama-samang pag-iisip ng mga tao ito ‘yung nakaka-attract dun sa mga elemento o entities para maghatid ng takot sa atin,” paliwanag ng kilalang paranormal researcher.
“Everytime na malapit na itong okasyon, parang nag-a-add up ng takot sa tao. Kasi ine-expect nila may makikita 'pag pumunta sa ganitong lugar. May magpaparamdam,” dagdag pa niya.
Ikinuwento rin ni Caluag ang tatlo sa pinakanakakatakot na karanasan niya bilang isang paranormal researcher.
“Number one is 'yung with KMJS (Kapuso Mo, Jessica Soho), the Paco Park. Gabi ng Lagim series. Kasi dito, sobrang nahirapan ako physically,” sabi niya.
“Alam mo 'yung sumusuka ka na akala ng mga tao ay ginagawa mo lang which is sobrang hirap. Kasi as an empath, nararamdaman ko 'yung agony, pain. 'Yung hirap ng katawan ko tapos 'yung feeling na para kang hihimatayin. Kinakapos ka ng hininga and all...blackout ka. 'Yun 'yung nag-struggle ako physically,” dagdag ni Caluag. “That's the reason kung bakit hanggang ngayon hindi ako pumupunta sa mga burol."
Ani pa ni Caluag, binalot din daw umano siya ng takot sa isa pang episode ng KMJS sa Marinduque na nakuhanan on-cam ang kaniyang pakikipag-ugnayan sa isang elemento, at sa i-Witness kung saan nakipag-usap siya sa isang espiritu sa pamamagitan ng Spirit of the Glass.
“That time, kami na ang second group. May nag-attempt na unang group na mag-play ng spirit of the glass pero hindi nag-move. Noong kami na, gumalaw ‘yung baso and eventually, sinabi niya ‘yung pangalan, tapos bigla siyang umikot nang sobrang bilis na uncontrollable na,” kuwento ni Calauag.
“Lahat sila bumitaw na kasi they say na nararamdaman nila ‘yung kuryente. Ako na lang ang natira na nakahawak na during that time, iniisip ko ‘bibitaw ba ako o hindi?’…Kahit na sanay na ako sa ganito, kinabahan pa rin ako kasi ‘yon ‘yung first time na naranasan ko ‘yung ganoon kabilis,” aniya.
“Sinabi niya ‘yung pangalan niya, paano siya namatay at saan siya nilibing,” dagdag pa ni Caluag.
Sinagot din ng paranormal researcher ang ilang katanungan ng mga netizens tulad ng paraan ng pakikipag-usap ng mga kaluluwa, tamang paggamit ng asin sa bahay at ang unang beses na nakaranas ng pagpaparamdam.
“When I was nine years old, I played with somebody na all along kala ko bata. Multo siya pero hindi ko alam na hindi pala siya totoong bata. Nakikipaglaro ako sa kaniya daily,” sabi ni Caluag.
“Nung nalaman ko na hindi siya nag-e-exist talaga… hindi ko na siya kinausap. After noon, nawala na siya,” dagdag niya. --FRJ, GMA News