Isang dalaga ang laging nakasuot ng wig hindi dahil sa fashionista siya kung hindi para maitago ang kaniyang buhok na uka-uka o may parte na kalbo dahil hindi niya mapigilan ang sarili na bunutin ito.
Sa programang "Dapat Alam Mo," sinasabing mayroong "hair pulling disorder" si Jennifer Young kaya hindi niya mapigilan ang sarili na bunutin ang kaniyang buhok.
"Yung mga bagay na nakakapag-trigger sa akin is first boredom. Next po is anxiety and depression po. Then yung mga past trauma ko po," paliwanag niya.
Dahil na rin sa kalagayan ng kaniyang buhok, may pagkakataon na nagiging biktima pa ng pambu-bully si Jennifer.
May pagkakataon din na hindi niya mapigilan ang sarili na kagatin ang kaniyang kuko hanggang sa mapudpod.
Napag-alaman na kapag napabayaan at lumalala pa ang hair pulling disorder, maaari itong umabot sa "Tricophagia," o pagkain sa binunot na buhok.
Dahil sa isyung pinansiyal, hindi pa raw siya nakakapagpatingin sa duktor.
"Natatakot po ako na baka mahal, baka hindi kaya ng mga sususporta sa akin," aniya Jennifer na hindi pa rin naman nawalan ng pag-asa.
Tinulungan si Jennifer na magpatingin sa isang espesyalista. Ano nga ba ang dahilan ng pagkakaroon ng naturang disorder at papaano ito gagamutin?
Panoorin ang buong pagtalakay sa video. --FRJ, GMA News