Nagkagulo ang mga tao nang makita sa kalye ang isang patay na bagong silang na sanggol sa ibabaw ng tulay sa Malabon. Ang sanggol, nahulog daw mula sa tricycle na sinasakyan ng kaniyang ina na papunta sa ospital para doon manganak.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing hindi malaman ng mga tao noong una kung saan nanggaling ang sanggol na nakakabit pa ang pusod nang makita sa ibabaw ng Tinajeros bridge kaninang hapon.

Ilang sandali pa, isang tricycle ang dumating na sakay ang bagong panganak na babae na sinasabing ina ng sanggol.

Pero dahil sa pangamba na baka maubusan ng dugo ang ginang, pinaalis din siya at pinapunta na sa ospital.

Ayon sa kapitbahay na kasama ng ginang, hindi nila namalayan sa tricycle na nanganak na pala ito at nahulog ang sanggol dahil butas umano ang kumot na ginamit na pangsalo.

"Sabi ng nanganak lumabas na eh malayo na kami. Sabi ko wala namang bakas ng dugo balikan natin. 'Yon pala, lumabas na yung baby pero hindi alam ng kasamahan ko na lumusot sa kumot. Butas pala yung kumot ito," ayon kay Princess Reyes.

Makikita naman na butas din ang ilalim ng side car ng ginamit na tricycle na minamaneho ni Wilfredo Macaraeg.

Hindi pa malaman kung patay na ang sanggol bago pa man ito mahulog mula sa tricycle.

Nasa bahay pa lang daw kasi ay lumalabas na ang sanggol. Pero hindi raw kaya ng komadrona sa lugar na iluwal ang sanggol kaya ipinayo niyang dalhin ang mag-ina sa ospital.

Nasa maayos na lagay na ang ina, habang patuloy na magssiyasat ang pulisya sa nangyari. --FRJ, GMA News