Natunton ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng isang babae at isang lalaki na nag-live video sa social media habang gumagamit ng ilegal na droga sa Alcala, Pangasinan.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, makikita sa video na ipinakita pa ng babae ang isang plastic sachet na pinaniniwalaang ilegal na droga ang laman.
"Nag-report itong tiyuhin niya, napanood namin sa may [social media] account nagla-live siya, bini-videohan ang kaniyang sarili na gumagamit siya ng shabu," ayon kay Police Major Virgilio Cruz, OIC- Alcala Police Station.
Nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad at nahuli sa akto ang dalawa ang ginagawang paggamit ng ilegal na droga sa bahay sa Barangay San Vicente.
Nakuha sa dalawa ang tatlong sachet na pinaniniwalang naglalaman ng shabu at mga gamit sa pagbatak.
Nagpositibo rin ang dalawa nang isailalim sa drug test.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang dalawa na mahaharap sa kaukulang kaso.--FRJ, GMA News