Laking tuwa ng isang ginang sa Bulacan nang ligtas niyang maisilang nitong pagsalubong sa bagong taon ang niyang anak na si Baby James. Pero wala pa mang isang buwang-gulang, bakit nga ba ito nagkaroon na agad ng uban o puting mga buhok ang bata?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni mommy Lilibeth na pang-anim na niyang anak si Babay James, na napaaga ang paglabas sa mundo.
Gayunpaman, masaya ang ginang dahil pareho silang ligtas nang mailuwal niya ang anak nang sumapit ang bagong taon.
Pero nagkaroon ng pag-aalala si Lilibeth nang makita ang kumpol ng mga puting buhok ng bata sa bumbunan nito.
May mga nagsasabi na baka suwerte ito at maging daan si Baby James upang guminhawa ang kanilang pamumuhay.
Subalit paliwanag ng dermatologist, walang kaugnay sa suwerte ang pagkakaroon ng puting mga buhok ang sanggol.
Mayroon umanong kondisyon ang sanggol na tinatwag na "poliosis," o kakulangan ng pigment na melanin sa hair follicles.
Ito umano ang dahilan kaya kung minsan ay nagiging grey o puti ang buhok ng isang tao.
Gayunman, wala raw dapat ipag-alala at dapat lang na ipaunawa na normal lang ito sa bata at hindi nakakahawa.
--FRJ, GMA News