Naging laman din ng mga balita ngayong 2021 ang ilang pambihirang hayop dahil sa mga hindi nila pangkaraniwang katangian at kamangha-manghang hitsura.
Anti-bodies ng Liyama, pinag-aaralan para sa posibleng panlaban sa COVID-19
Pinag-aaralan sa bansang Belgium ang antibodies sa dugo ng liyama para malaman kung puwede itong magamit bilang panlaban sa COVID-19.
Ayon sa mga eksperto, ang liyama at iba pang kabilang sa "camel" family ay may kakayahang gumawa ng bersiyon ng antibodies na puwede umanong ipangdagdag sa bakuna ng mga tao na mahina ang immune system.
Base sa mga paunang pag-aaral, nakita na mabisa ang antibodies ng liyama laban sa mga variant.
Kamandag ng isang uri ng ahas, pinag-aaralan bilang gamot na panlaban sa COVID-19
Sa Brazil naman, pinag-aaralan din ng mga dalubhasa ang tungkol sa kamandag ng jararacussu pit viper bilang pangontra sa COVID-19.
Batay daw kasi sa mga paunang pag-aaral, lumilitaw na mayroong molecule sa kamandag nito ang pumipigil sa pagdami ng coronavirus ng hanggang 75 porsiyento sa cells ng unggoy.
"It's the first step in a long journey. The process is a very long one," ayon kay Professor Rafael Guido ng University of Sao Paulo, na may akda ng pag-aaral.
2 pambihirang 'bansot' na giraffe, namataan sa Africa
Namangha ang mga dalubhasa nang matuklasan na mayroong mga "bansot" na giraffe sa mga bansang Namibia at Uganda.
Kung ang karaniwang giraffe ay umaabot sa 15 hanggang 20 talampakan ang taas, ang giraffe na bansot sa Namibia ay tinatayang 8.5 talampakan lamang ang taas, habang 9.3 talampakan naman ang taas ng giraffe sa Uganda.
Scientists have discovered two giraffe dwarves, which are about half the average giraffe height tall, on different sides of Africa https://t.co/2dGy0F1JyT ???? pic.twitter.com/rbE9APdOXz
— Reuters (@Reuters) January 8, 2021
Baldadong daga, nakalakad muli sa tulong ng 'espesyal' na protina
Isang baldadong daga ang nakapaglakad muli matapos itong turukan ng designer protein sa utak.
Sinabi ng cell biologist na si Marco Leibinger na hindi nila inasahan na lubusang gagaling ang daga sa pagkabaldado nito.
Tumagal umano ng dalawa hanggang tatlong linggo ang ginawang paggamot sa baldadong mga daga. Umaasa ang mga dalubhasa na makatutulong ang kanilang eksperimento sa paggamot sa mga taong nagkaroon ng spinal cord injuries.
Bagong diskubreng hunyango, kasing laki lang ng kuko ng tao
Nadiskubre naman sa Madagascar ang isang bagong uri ng hunyango na sa sobrang liit ay puwedeng tumayo sa tuktok ng daliri ng tao.
Ang katawan ng lalaking Brookesia nana, o nano-chameleon, ay may haba lang na 13.5 mm (0.53 inches), ang pinakamaliit na sa 11,500 known species ng reptile, ayon sa Bavarian State Collection of Zoology sa Munich. Mas mahaba naman ang babaeng nano-chameleon na may kabuuang sukat na 29 mm.
Posibleng pinakamaliit na reptile sa mundo ang bagong tuklas na mga uri ng hunyango o chameleon.
Kambing sa Ilocos Norte, isinilang na walang ulo, ari, at mga balahibo
Isang kakaibang kambing ang isinilang sa Laoag, Ilocos Norte, na walang ulo, ari at mga balahibo.
Bagama't maayos na isinilang ang kambing, nasawi din ito makalipas ang isang oras. Samantala, normal naman ang mga kapatid ng naturang kambing.
Ayon sa City Veterinary Office, nagkaroon ng hormonal deficiency ang nanay ng kambing kaya hindi nabuo nang wasto ang isa nitong anak. Maaaring may natamong trauma ang nanay ng kambing noong buntis ito.
Baka na mistulang may pakpak sa bayan ng Banga, Aklan
Kinagiliwan ng mga residente sa Barangay Libas sa Banga, Aklan ang isang kakasilang lamang na baka dahil tila may pakpak ito sa kanang bahagi ng likuran.
Ayon sa may ari ng baka, napansin agad nila ng isang mistulang pakpak sa lalaking baka mula nang ipanganak ito. Hindi na raw muna nila dinala sa beterinaryo ang baka dahil normal naman ito.
Nakahanda naman daw silang dalhin ang baka sa veterinarian kapag magkasakit ito.
Dambuhalang Mola mola na higit 2 tonelada ang bigat, nalambat sa Spain
Hindi inasahan ng mga mangingisda at ng mga marine biologist nang malambat nila ang isang dambuhalang Mola mola o sunfish na tinatayang dalawang tonelada ang bigat sa Spain.
Napasama ang isda sa lambat ng isang tuna-fishing boat sa karagatan ng Mediterranean coast sa Ceuta.
Tinangka umano ng mga mangingisda na timbangin ang mola mola sa timbangan na 1,000 kilo ang kapasidad pero hindi raw nito kakayanin ang bigat ng isda. Kaya ibinase nila ang bigat nito sa karanasan nila sa mga nahuhuli na tinatayang mahigit sa dalawang tonelada o 2,000 kilo ang timbang ng sunfish.
Agad naman itong naibalik sa karagatan matapos ang pagsusuri ng mga marine biologist.
Baka na may 2 ulo sa India, pinaniniwalaang wawakasan ang COVID-19 pandemic
Dinadasalan at inaalayan ang isang baka na dalawa ang ulo nang isilang sa Bihar sa East India, na pinaniniwalaan ng mga residente roon na magwawakas ng COVID-19 pandemic.
Isinilang ang kakaibang baka noong Mayo 21 at matapos nito, daan-daang mga tao na ang bumisita sa lugar para dasalan ang hayop.
Paniwala ng mga residente ng Katihar village, regalo ng kanilang mga diyos ang baka para matapos na ang pandemya. Ang iba naman, naniniwalang reincarnation ang baka ni Lord Vishnu o ni Lord Lakshmi, na mga pangunahing Diyos sa Hinduismo.
May mga grupo sa India na nagbibigay ng proteksyon at kumikilala sa mga baka bilang mga "divine being."
Ang kondisyon ng pagkakaroon ng dalawang ulo ng baka ay tinatawag na polycephaly, na nangyayari kung ang kambal na embryo ay hindi maayos na nakapaghihiwalay sa loob ng sinapupunan.
Aso, kinaaliwan dahil kayang 'ituro' kung sino raw ang pangit
Marami rin ang naaliw sa asong si "Lucky" dahil sa tila "itinuro" niya kung sino ang among "pangit."
Sa nag-viral na video, nakapuwesto si Lucky sa upuan katabi ang amo niyang lalaki.
Madidinig naman ang isang boses na tinatanong si Lucky kung sino ang pangit.
Kasunod nito ay titingin naman ang aso sa katabi niyang amo.
Ilang ulit na tinanong ang aso at ilang ulit din siyang tumingin sa kaniyang katabi na natawa rin lang.
--FRJ, GMA News