Hindi inasahan ng mga mangingisda at maging ng mga marine biologist sa Spain nang malambat ang isang dambuhalang Mola mola o sunfish na tinataya nilang dalawang tonelada ang bigat.
Sa ulat ng Reuters, sinabing namangha ang marine biologist na si Enrique Ostale sa nakitang laki ng isda na napasama sa lambat ng isang tuna-fishing boat sa karagatan ng Mediterranean coast sa Ceuta.
Sa lumabas na ulat, tinangka raw ng mga mangingisda na timbangin ang mola mola sa timbangan na 1,000 kilo ang kapasidad pero hindi raw nito kakayanin ang bigat ng isda.
VIDEO: Estación de Biología Marina del Estrecho (Ceuta) - Universidad de Sevilla via Storyful
Kaya ibinase nila ang bigat nito sa karanasan nila sa mga nahuhuli na tinatayang mahigit sa dalawang tonelada o 2,000 kilo ang timbang ng sunfish.
Sa bigat at laki ng isda, dalawang crane ang kinailangan gamitin para matanggal sa mola mola sa lambat.
Agad naman itong naibalik sa karagatan matapos ang pagsusuri ng mga marine biologist.
Bukod sa bigat na tinatayang dalawang tonelada, nasa 10.5 feet ang haba nito at 9.5 feet ang lapad.
"I was stunned. We'd read about such individuals ... but never thought we'd actually touch one day," sabi ni Ostale. --FRJ, GMA News