Isang ginang ang hindi na umabot sa ospital at napaanak na sa isang vaccination facility sa Makati City nitong Lunes, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Martes.
Nanganak ang 26-anyos na ginang sa vaccination facility sa MMDA main headquarters matapos siyang dalhin doon ng isang tricycle driver na ama ng sanggol bandang 5:27 p.m. para humingi ng tulong.
Habang naghihintay ng ambulansya, naghanda ang vaccination team ng isang makeshift na delivery table. Makalipas ang 14 na minuto, nanganak na ang ginang ng isang malusog na babaeng sanggol.
Nasa mabuting kalagayan ang mag-ina, ayon sa MMDA. Dinala sila kinalaunan sa malapit na ospital.
Sabi ng ama ng sanggol, dinala niya ang ginang sa isang lying-in clinic malapit sa Guadalupe Church ngunit sarado ito.
Pumunta sila sa kalapit na barangay hall ng Guadalupe Nuevo, kung saan pinakiusapan silang maghintay muna. Dito na raw siya nagdesisyon na pumunta sa MMDA.
Pinuri naman ni MMDA chairperson Benhur Abalos ang ginawa ng vaccination team na tumulong sa ginang.
Ayon sa MMDA, karamihan ng tumulong sa pagpapaanak sa ginang ay bahagi ng kanilang Road Emergency Group. —Joviland RitaKBK, GMA News