Naiyak sa tuwa ang isang 65-anyos na lola nang muli siyang makakita matapos maging bulag sa nakalipas na halos tatlong taon dahil sa katarata.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ikinuwento ni Teresita Beliver, na napaiyak siya dahil sa tagal ng panahon ng kaniyang paghihirap sa kaniyang kalagayan na hindi nakakakita.
"Napakahirap nang hindi nakakakita," sabi niya.
Taong 2018 nang bigla na lang daw lumabo ang kaniyang mga mata at parang nababalot ng usok ang kaniyang paningin. At hindi nagtagal, tuluyang na siyang hindi nakakita.
Dahil sa nangyari, sinabi ni Lola Teresita na sobra siyang na-depress at kung ano-ano na ang kaniyang naiisip dahil nawawalan na siya ng pag-asa.
Nitong nakaraang Mayo, nagpatingin si Lola Teresita kay Dr. Noel lacsama at ito ang nag-opera ng kaniyang mga mata.
Bilin ni Lacsama na tatlong bawal kay Lola Teresita: Bawal ang magkusot ng mata, bawal tumingin sa pangit, at bawal gumawa ng kasalanan.
Ayon din sa duktor, maaaring magamot ang katarata basta maagapan.
Kaya ipinayo niya na kailangan magpatingin agad kung may mararanasang sintomas ng katarata tulad ng pagkakaroon ng cloudy o blurry vision.--FRJ, GMA News