Nagimbal ang isang pamilya na nagsasalo-salo sa kanilang tahanan sa Batangas nang biglang pumalahaw ng iyak ang isang batang anim na taong gulang at nakita nilang duguan ang ulo.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabi ni Glen Pascua na kaagad niyang tinapalan ng tela ang ulo ng anak nang makita niyang dumudugo ito.

Sa taranta raw ni Pascua, ang hawak na basahan pa ang inilagay niya sa ulo ng anak na napuno raw ng dugo.

Sabi naman ng tiyahin ng bata na si Michelle Pascua, sinasabihan niya ang pamangkin na huwag pipikit o matutulog habang nasa biyahe sila papuntang ospital.

Nang isailalim sa X-ray ang bata, doon na nila nalaman ang tunay nangyari sa kaniya.

"Sabi, 'Maam, sigurado ka ba na bato ang tumama sa ulo ng pamangkin mo? Kasi bala ng baril ito eh,'" kuwento ni Michelle.

Doon na nalaman ng pamilya na tinamaan ng ligaw na bala ang biktima sa kaliwang bahagi ng ulo.

Pero dahil sa punuan ang operating room ng pinagdalhan na ospital, binigyan ng pagpipilian ang pamilya kung nais ba nilang maghintay, o linisan na muna ang sugat para maiwasan ang impeksyon, o i-refer sila sa ibang ospital.

Pinili umano ng pamilya na linisan na lang muna ang sugat at tahiin. Kaya kahit hindi pa naaalis ang bala, pinayagan munang umuwi ang biktima dahil maayos pa rin naman daw ang kamalayan ng bata at kumakain pa rin naman.

Gayunman sa pag-uwi raw ng bata, napansin ng ina na si Annabelle Pieza na nagiging utal siya sa pagsasalita at idinadaing na masakit ang sugat.

Pero sino kaya ang nagpaputok ng baril na tumama ang bala sa ulo ng bata? May kinalaman nga kaya rito ang kanilang kapitbahay? At kailan kaya maalis ang bala sa kaniyang ulo? Panoorin ang buong video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News