Isang 12-anyos na lalaki na may kondisyon sa pag-iisip ang 24-oras nang hinahanap ng kaniyang mga magulang sa  Matag-ob, Leyte. Hanggang sa may makapagsabi sa kanila na nakita ang kanilang anak sa kalapit na bayan na nakaipit sa biyak na matigas na lupa at malapit sa bangin.

Ilang oras na hinanap ng mga magulang ang nawawala nilang anak na si Christian pero hindi naging madala ang kanilang paghahanap dahil na rin sa kalagayan ng binatilyo.

Hanggang sa may nakapagsabi sa kanila na may batang namataan sa kalapit na bayan sa Villaba pero nagtatakbo raw ito hanggang sa makarating sa highway at biglang nawala.

Ilang oras pa ang lumipas, isang ginang ang napadaan sa dike nang may madinig siyang iyak at mga impit na tinig na humihingi ng tulong.

May nararamdaman mang takot, nilakasan ng babae ang kaniyang loob na hanapin kung saan nanggagaling ang tinig hanggang sa makita niya si Christian na ulo lang ang tanaw habang nakaipit sa matigas na pagitan ng lupa.

Kaagad humingi ng tulong ang babae upang makuha si Christian sa pagkakaipit.

Ilang oras pa ang lumipas, dumating na rin ang mga kaanak ng binatilyo at nakita nila ang kahabag-habag na kinalalagyan niya.

Ang rescue team, maingat na pinag-aralan kung papaano aalisin si Christian sa pagkakaipit. Kailangan na kalkulado ang kanilang kilos dahil mayroon palang steel bar na malapit sa leeg ng binatilyo.

Tunghayan sa episode na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" kung paano sasagipin si Christian, at paano siya napunta sa naturang lugar kung saan siya naipit. Panoorin.

--FRJ, GMA News