Tumindig ang balahibo ng isang magbayaw sa Cebu nang naki-jamming umano sa kanila habang kumakanta sa ilalim ng puno ng Tugas ang pinaniniwalaan nilang kapre. Ang malalim na boses umano ng kapre, nai-record nila.

Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na residente sa Pasil, Santander ang magbayaw na sina Jesus Serencio at Saturnino Cuerda.

Sa kanilang lugar, may isang puno ng Tugas o molave tree na halos 100 taon na ang edad, na pinaniniwalaan nilang may nakatirang kapre.

"Parang sinalo 'yung boses ko. Nangilabot ako noong gabi na iyon," sabi ni Jesus.

"Sus! Natakot ako! Wala namang makita!" ayon naman kay Cuerda.

Pinatunayan ito ni Lola Eulalia Cuerda, na nagkuwentong niligawan siya noon ng kapre at gabi-gabing bumibisita sa kaniya.

"Nagkagusto raw siya (kapre) sa akin pero hindi naman ako nagkagusto sa kaniya (kapre). Sabi niya dadalhin niya raw ako, hindi ko naman siya kailangan," sabi ni Lola Eulalia.

Ayon kay Victoria Cuerda-Dalis, anak ni Eulalia, na-basted umano ang kapre kay Lola Eulalia. Pero hindi raw sumuko ang kakaibang nilalang nang sundan nito si Eulalia noong ipinagbuntis niya ang kaniyang bunso.

Natigil lamang ang kapre nang humingi na ng bendita si Lola Eulalia mula sa pari.

Dahil dito, niligawan naman ng kapre ang kapitbahay nilang si Marisa Novo.

"Gusto niya talaga ako. Ang kaniyang pakay talaga makipagkaibigan dahil gusto niya ako kunin," sabi ni Marisa na binasted din ang kapre.

Pero boses nga kaya ng kapre ang narehistro sa recording nina Jesus at Saturnino na sinasabing nakisabay sa kanilang pag-awit ng kundiman para magpahiwatig muli kina Lola Eulalia at Marisa?

Ipinadinig ng "KMJS" sa eksperto ang naturang recording at may napansin siya sa tunog ng awitin. Tunghayan ang buong kuwento sa video.

--FRJ, GMA News