Kinailangang sagipin ang 18 mountaineers sa Mt. Tarak sa Mariveles, Bataan matapos silang atakihin ng mga bubuyog.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing nanghihina na ang ilang mountaineers nang datnan ng mga rescuer dahil sa mga kagat (sting) ng mga bubuyog.
Ayon kay Dante Malimban, kapitan ng Barangay Alas-asim, unang nailigtas ang lima sa grupo, at sumunod ang 13 iba pa.
Mayroon umanong ibang mountaineers na nakababa mula sa bundok ang nagbigay ng impormasyon na may mga naririnig silang sumisigaw at humihingi ng tulong pero hindi na nila napuntahan dahil malayo ang kanilang lugar.
Kaagad na nilapatan ng lunas ang mga mountaineer at maayos na ang kanilang kalagayan.--FRJ, GMA News