Nag-viral online ang video na makikita ang isang poso sa Buluan, Maguindanao na nagliliyab kahit pa may lumalabas na tubig.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, makikita ang pagliliyab ng poso kahit patuloy ang agos ng tubig, at kahit pa buhusan ng tubig.
Ayon sa nag-post ng video, noong Lunes nila napansin na nag-amoy "gas" ang poso kaya sinubukan nilang sindihan at doon na nga ito nagbuga ng apoy.
Muling pinuntahan ng mga residente ang lugar at sinubukang sindihin muli ang poso at hindi sila nabigo.
Hindi ito ang unang pagkakataong may nadiskubreng lumiliyab na poso. Noong 2014, may ganito ring insidente na nangyari sa Santiago City, Isabela.
Taong 2013 naman nang may makitang poso na nagliliyab sa Tanay, Rizal
Mayroon ding ganitong insidente sa Santa Barbara, Iloilo, at pati na sa Malapatan, Sarangani,
Sa panayam noon sa isang eksperto, sinabing nangyayari ang pag-apoy ng poso dahil sa natural gas na sumisingaw mula rito.
Pero nagbabala ang eksperto na maaaring may mineral na sulfides ang tubig na masama sa katawan ng tao.
Sa pagsusuri noon ng taga-community environment and natural resources office sa Malapatan, Sarangani, sinabing posibleng may methane gas ang tubig. -- FRJ, GMA News