Ang dating school project lang, kumikitang kabuhayan na ngayon ng isang 23-anyos na binata matapos niyang gawing negosyo-- ang bath bombs. Ano nga ba ito na umaabot umano sa five hanggang six digits ang kita? Alamin.

Sa programang "Pera Paraan," ikinuwento ni Ryan Mendoza, nasa likod ng negosyong Bubble 'N Fizz, na mula sa Quezon City, na Grade 12 siya nang bigyan sila ng school project na mag-isip at magpresenta ng negosyo na hindi pa masyadong kilala sa Pilipinas.

Sa pagse-search niya sa Youtube, doon nalaman ni Ryan ang tungkol sa bath bombs na kaniyang ginawa at isinumiteng project.

Nang magkaroon ng pandemic at walang magawa sa bahay, naisipan na ni Ryan na gawin niyang negosyo ang bath bombs sa pamamagitan ng naipon niyang pera na P1,700.

Pero gaya ng ibang negosyo, hindi naging madali ang simula ni Ryan. Nagkaroon din siya ng pagdududa kung papatok ba ang kaniyang produkto na nasisira pa noon dahil hindi pa niya napeperpekto ang produksiyon.

Kaya ang naunang kapital ni Ryan, naglaho na parang bula.

Sa kabila ng kabiguan, hindi kaagad sumuko si Ryan at humiram siya ng P5,000 sa kaniyang mga magulang para magsimulang muli. Matapos ang isang taon na trial and error, maperpekto na niya ang kaniyang bath bombs.

Hanggang sa unti-unting tinangkilik na ang kaniyang produkto kahit ng mga tao na walang bathtub. Maging ang mga hotel at spa, umoorder na rin.

"Napansin ko rin na yung iba although walang bathtub nakikita ko sa mga review nila online na gumagamit sila ng inflatable pools, palanggana, mayroon din yung iba yung nabibili nila maliliit na bathtub," ayon kay Ryan.

Ang iba pang bumibili, ang mga nag-a-out of town na may bathtub sa kanilang tutuluyan.
Mas malakas daw ang bentahan ng bath bombs tuwing summer at "ber" motnhs na ipinangreregalo sa Pasko.

Ang presyo ng bath bombs ni Ryan, mabibili ng P89 hanggang P249 ang isa depende sa laki at klase. May mga mini bath bombs din na nasa jar na P299 ang presyo.

Nagdadagdag  na rin si Ryan ng mga produkto gaya shampoo and conditioner bar, sabon, bath salt at bubble bath, soy candles at iba pa.

Dahil sa negosyo, nakapagpagawa si Ryan ng opisina at production area sa kanilang garahe sa bahay. 

May dalawa na siyang empleyado, napag-aral ang sarili, at nakatutulong na sa kaniyang pamilya.

Tunghayan sa video ng Pera Paraan kung papaano ginagawa ang bath bombs. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News