Nasawi ang isang lalaki matapos siyang barilin ng suspek na una niyang nakaalitan sa kalsada sa Rodriguez, Rizal.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, makikita sa dashcam video ang biktima na si Toto Garcia na may hawak na pamalo nang barilin siya ng suspek.

Ngunit bago ang naturang pamamaril, napag-alaman na nagkainitan na ang dalawa nang magalit ang biktima na sakay ng bisikleta nang biglang mag-cut sa daan niya ang suspek na sakay ng e-trike.

Nagkapaluan umano ng dos-por-dos at tubo ang suspek at biktima. Nakarating pa sa barangay ang engkuwentro pero hindi pa doon natapos ang away.

Pumunta umano ang suspek at kaanak nito sa lugar ng biktima at tinirador ang anak-anakan ng biktima. Ang asawa ng biktima, umawat naman.

Nasundan ito ng muling pagsugod ng biktima na may hawak na pamalo at doon na nangyari ang pagbaril sa kaniya ng suspek.

Nasawi ang biktima habang tumakas ang suspek.

“Bigyan naman ng hustisya yung asawa ko. Naghahanap buhay lang naman. Hindi naman siguro krimen yung ginawa na, kung nagkasuntukan sila o ano, pero nagdala sila ng tubo, hindi naman masamang pumunta ng barangay dahil yun ang makakaresolba,” ayon kay Nympha Mailallos Garcia, na asawa ng biktima.

Ayon sa ama ng suspek, nasaktan ang kaniyang anak kaya kinompronta ang biktima.

Hindi naman alam ng ama kung bakit may baril ang kaniyang anak.

Nakikipag-ugnayan umano ang pamilya ng suspek para sumuko.

Tumanggi naman ang pulisya ng Montalban na magkomento habang iniimbestigahan pa ang kaso.-- FRJ, GMA Integrated News.