Mula sa dating pagiging simpleng empleyado, guminhawa ang buhay si Darlene Reyes mula nang subukan umano niya ang tuyong dahon ng laurel bilang pampasuwerte. Alamin kung paano niya ito ginawa.

Sa programang "I-Juander," ikinuwento ni Darlene na nalaman niya ang tungkol sa dahon ng laurel bilang pampasuwerte sa pagmamasid niya sa social media.

Ang tuyong dahon ng laurel, inilagay niya sa likod ng kaniyang cellphone.

"Sabi ko wala namang mawawala kung maniniwala ako. So tinray [try] ko, naglagay din ako," saad niya.

Hanggang ngayon, sinabi ni Darlene na nasa cellphone pa rin niya ang dahon.

Ang proseso, kumuha ng tuyong dahon ng laurel at may isusulat rito na mga numero gamit ang kulay asul o berde na tinta ng pentel pen.

Ang grupo ng mga numero na kailangan umanong sundan at isusulat sa dahon ay may kahulugan na para sa kasaganahan -- 71588.

"Kung palagi niyong gamit yung cellphone ninyo sa business, malaking tulong ito na pampasuwerte sa inyo," ayon kay Darlene.

Ayon pa kay Derlene, kapag nasulatan na ang dahon ng laurel, baklasin ang takip ng cellphone at ilagay doon ang dahon.

"Kailangan ang puwesto ng symbol natin is nakaharap sa may cellphone ninyo, and then yung set of numbers is patalikod sa inyo or palabas sa inyo," paliwanag niya.

Ang dating simpleng empleyado, may sarili nang lupa ngayon, nakakabiyahe sa iba't ibang bansa, at kumikita nang hanggang six digits kada buwan mula sa kaniyang pagiging social media affiliate.

"Wala namang mawawala kung maniniwala tayo sa mga pampasuwerteng ganito. Pero siyempre kailangan din nating samahan ng sipag at tiyaga. Gumalaw tayo sa sarili natin," paalala ni Darlene. -- FRJ, GMA Integrated News