Ang dating tahimik na pagsasama ng isang pamilya sa kanilang tahanan sa Candaba, Pampanga, nagulo at nagkaroon umano ng mga away mula nang magpakita ang mala-demonyong kakaibang nilalang na itim, na nakuhanan pa raw ng larawan habang nakasilip sa bintana.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing dalawang dekada nang nakatira sa lugar si Gloria Macapagal, kasama ang kaniyang asawa, at 12 nilang anak.

Dating kubo lang ang bahay ng pamilya hanggang sa mabili na nila ang lote sa tulong ng isang anak ni Gloria na si Michelle na nagtrabaho sa ibang bansa, at pinatayuan nila ng malaking bahay.

Ngunit ang dating maayos na pagsasama ng pamilya, unti-unting nagulo mula nang magpakita umano sa kanila ang isang itim na nilalang na lalaki na mala-demonyo ang hitsura.

Ang magkakapatid, at maging ang mag-aasawa, nagsimula na ring mag-away-away. Maging ang asawa ni Gloria, nagiging bayolente na rin.

Hindi raw guni-guni lang ang nakikita nilang itim na nilalang dahil nakuhanan daw nila ito ng larawan.

Nang maglagay kasi ng LED lights ang anak ni Gloria na si Marjorie sa harap ng kanilang bahay, kinunan niya ito nang larawan na nahagip ang kanilang bintina.

Pero nang suriin nila ang bintana, nangilabot sila nang makita ang kakaibang nilalang na nakasilip.

Bukod sa itim na lalaking nilalang, may babaeng itim din umano na nanggagambala sa bahay na nakikita ni Marjorie.

Si Marjorie, ibang beses natigilan habang kinakapanayam dahil nagpapakita umano ang babaeng itim.

Dahil sa takot, madalas na bakante ang tatlong kuwarto sa ikalawang palapag ng bahay, at sama-sama na lang natutulog ang magkakapatid sa sala.

Mayroon din umanong batang itim sa gumagala sa bahay na pinaniniwalaan naman nilang naghatid sa kanila ng suwerte kaya nabili nila ang lupa at naipatayo ang bahay.

Si Michelle na nasa ibang bansa, hiniling sa "KMJS" na maipasuri sa paranormal researcher na si Ana Liza dela Cruz ang kanilang bahay.

Nang puntahan naman ni Ana ang bahay, kaagad siyang may napansin dito, maging sa mga taong nakatira sa bahay.

Ang sinasabing babaeng itim na nakikita ni Marjorie, biktima umano ng krimen. Mapaalis kaya niya ang mga kakaibang nilalang na nasa bahay nina Nanay Gloria? Panoorin ang nakakakilabot na buong kuwento sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News