Inihayag ni Vice President Sara Duterte na napagtanto niya na "toxic" na ang samahan nila ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. nang pumasok sa isip niya na taggalan ng ulo ang huli dahil sa inis. Nagbanta rin ang pangalawang pangulo na huhukayin ang bangkay ng namayapang si dating Pangulong Marcos Sr. at itatapon ang labi nito sa West Philippine Sea.
"I imagine myself cutting his head. So no'n, na-realize ko toxic na di ba, ganiyan na yung imagination mo, sinasakal mo na yung tao. Then I said this is over," kuwento ni Duterte sa press conference nitong Biyernes.
Nangyari umano ito nang dumalo sila sa isang graduation na masama ang kaniyang pakiramdam at may isang nagtapos na estudyante na humiling umano kay Marcos na hingin ang relo nito bilang graduation gift.
"Sabi nung graduate, Mr. President can I have your watch as a graduation gift? Ang sagot niya, why, why would I give you my watch?" kuwento ni Duterte.
"At that point maysakit na ako gusto kong tanggalin yung ulo niya. It did not help na itong dalawang katabi ko tumawa pa. Pinagtawanan pa nila yung bata," sabi pa ni Duterte.
Nalungkot umano siya para sa estudyante pero hindi naman niya maibigay ang kaniyang relo.
"Kaya lang hindi naman ito relo ng presidente, pang bise presidente lang," patuloy ng bise presidente.
Sa naturang pulong balitaan din, inihayag din ni Duterte na minsan din niyang sinabi kay Senador Imee Marcos na kung hindi siya titigilan ay huhukayin niya ang mga labi ng kanilang ama na si dating Pangulong Marcos Sr., na nakahimlay sa Libingan ng mga Bayani, at itatapon niya ito sa West Philippine Sea.
"Sabi ko sa kaniya, 'Kung 'di kayo tumigil, huhukayin ko 'yang tatay ninyo, itatapon ko siya sa West Philippine Sea," ani Duterte. “One of these days, pupunta ako doon (Libingan), kukunin ko 'yang katawan ng tatay ninyo."
Hindi umano niya matandaan kung ano ang naging reaksyon ni Imee pero nasa group chat daw ito at may ibang nakakita.
Wala pang komento ang Palasyo tungkol sa mga pahayag ni Duterte.
Taong 2016 nang payagan ng ama ni Duterte--na si dating Presidente Rodrigo Duterte--na mailibing sa Libingan ng mga Bayani si Marcos Sr., na dating nakahimlay sa Ilocos Norte.-- FRJ, GMA Integrated News